Daughters of Saint Paul

Disyembre 30, 2017 Sabado Ika-6 na Araw sa Pagdiriwang ng Pasko

LUCAS 2:36-40       

May isang babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis ng bahay sa kanyang ama, pitong taon lang siya nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay biyuda na siya at hindi siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t-apat na taon na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri siya sa Diyos at nagpuri tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.

Nang matupad na ang lahat ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumaki at lumakas ang bata; napuspus siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong ating narinig, si Ana, na anak ni Panuel ang bida.  Katulad ni Simeon, nanatili rin siya sa Templo – araw-gabing sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin.  Nagpahayag din siya tungkol sa batang si Jesus – na siya nang pinakahihintay na katubusan ng Jerusalem.  Hindi niya mapigilang magpuri sa Diyos at magpasalamat, ng makita ang bata.  Mga kapanalig, malugod na tinupad ng batang si Jesus ang mga alituntunin ng tradisyon ng kanilang kultura. Kahit musmos pa lamang, ibinigay na niya ang kanyang bahagi sa planong kaligtasan; nagpasakop siya sa Batas ng lipunang kanyang kinabibilangan, at naging masunuring anak sa mga nakilalang magulang.  Sa kalagayan natin ngayon, tayo ba’y naging mabubuting anak din ng ating mga magulang?  Ginagampanan rin ba natin ang mga tungkulin bilang miyembro ng ating pamilya, bilang Kristyano, bilang mamamayan ng ating bayan at lalo’t higit ang tungkulin natin sa ating sarili?  Bilang mga binyagang Kristiyano, may tungkulin tayong paunlarin ang sarili sa pagsulong ng kabutihan at pagsabuhay ng batas ng pag-ibig na nagmumula sa Diyos.  Inaasahan ng Diyos na maging daluyan tayo ng Kanyang pagmamahal, ng Kanyang mga biyaya at pagpapala para sa ating kapwa.  Inaasahan Niya ring maging maliwanag na ilaw tayong tatanglaw sa mga kapatid nating nadidimlan at naliligaw ng landas.  Mangyayari lamang ang mga pangarap ng Diyos sa atin kung bukas-loob natin Siyang papapasukin sa ating puso at hahayaang maghari sa ating buhay.  Manalangin tayo.  Panginoon, papagningasin Mo po ang Iyong Banal na Espiritu sa aking puso, nang lumago ako sa tunay na pag-ibig Sa’yo at sa aking kapwa.  Marapatin Mo pong maging daluyan ako ng Iyong biyaya at pagmamahal para sa iba.  Amen.