LUCAS 2:16-21
Nagmamadaling pumunta ang mga pastol sa Betlehem at natagpuan nila si Maria at si Jose at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Pagkakita rito, pinatotohanan nila ang pahayag na binigkas sa kanila tungkol sa batang ito. Namangha rin ang mga nakarinig sa mga sinasabi ng pastol sa kanila.
Iningatan naman ni Maria ang mga ito at pinagnilay-nilay sa kanyang puso. Umuwi ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil nakita nila ang lahat ng kanilang narinig ayon sa ipinasabi sa kanila.
Pagsapit ng ikawalong araw, kailangan nang tuliin ang bata; noon siya pinangalanang Jesus, ang itinawag sa kanya ng angel bago pa siya ipinaglihi.
PAGNINILAY:
Mula pa noong araw ng Pasko, ang sanggol na si Jesus ang sentro ng ating pagninilay. Ngayong unang araw ng Bagong Taon naman, binibigyan natin ng tanging parangal si Maria, ang Ina ni Jesus, bilang Ina ng Diyos. Ang unang araw ng Bagong Taon, hudyat ng bagong simula. Ang pagiging Ina ni Maria, hudyat din ng bagong simula para sa sangkatauhan. Naging tao ang Diyos at nakipamayan sa atin sa pamamagitan ni Maria. Patotoo ito, na sa kabila ng ating mga kahinaan, sinamahan tayo ng Diyos at habang narito siya sa daigdig, naghatid siya ng pagliligtas at pag-asa sa buhay ng tao. Mga kapanalig, kung nagpasya ang Diyos na makisangkot sa buhay natin, di ba nangangahulugan ito na ang buhay natin, punong-puno ng pag-asa? Dahil kung hindi gayon, hindi na sana nagtiyagang pumarito si Jesus sa daigdig. Sa unang araw ng Bagong Taong 2018, sana’y tingnan nating muli ang mga tao at mga bagay sa ating paligid. Magkaroon nawa tayo ng bagong pananaw o paningin sa ating kapwa at sa lahat ng bagay. Masilip nawa natin ang kagandahan ng buhay na kadalasa’y di makita ng ating mga mata, dahil mas nakatuon tayo sa mga negatibo, at di kanais-nais na mga pangyayari na araw-araw nating natutunghayan sa media. Mapuspos nawa ng pag-asa ang ating mga puso na bibiyayaan at pagpapalain tayo ng Diyos sa buong Taong 2018. Panginoon, salamat po sa Bagong Taon. Nagsusumamo po kaming basbasan, pakabanalin at ingatan kami sa buong taon 2018! Amen.