Daughters of Saint Paul

Enero 3, 2018 Miyerkules bago mag-epifania / Santa Genoveva, Kabanal-banalang Pangalan ni Jesus

JUAN 1: 29-34

Nakita ni Juan Bautista si Jesus na papalapit sa kanya.  Sinabi niya: “Hayan ang Kordero ng Diyos, ang nag-aalis ng kasalanan ng mundo.  Ito ang tinutukoy ko nang sabihin kong ‘Nagpauna na sa akin ang lalaking kasunod kong dumating sapagkat bago ako’y siya na.’  Hindi ko nga siya nakilala pero dahil sa kanya kaya ako pumaritong nagbibinyag sa tubig upang mahayag siya sa Israel.”

At nagpatotoo si Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa mula sa langit gaya ng isang kalapati, at nanatili sa kanya.  Hindi ko nga siya nakilala ngunit ang nagsugo sa akin na magbinyang sa tubig ang nagwika sa akin, ‘Kung kanino mo makita ang Espiritung bumababa at nananatili sa kanya, siya ang magbibigay sa Espiritu Santo!’ Nakita ko at pinatotohanan ko na siya nga ang hinirang ng Diyos.”

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, hangad ng Panginoon na tubusin tayo sa pagkakasala at tinupad Niya ang Kanyang pangako.  Nagkatawang tao Siya bilang ating Tagapagligtas para sa ikapagpapatawad ng ating kasalanan.  Ayon kay San Pablo, ang ginawang pagliligtas ni Jesus, may apat na mahahalagang bagay na dapat nating pagyamanin sa ating pananampalataya.  Una, nag-alay Siya ng isang sakripisyo bilang pari at hain; Ikalawa, upang hanguin tayo sa kasamaang naghahari sa sanlibutan; Ikatlo, lumikha Siya ng isang Bagong Tipan sa Diyos na pinagtibay ng Kanyang dugo; at ang Ikaapat, ang lahat ng ito’y ginawa Niya para sa ating kaligtasan.  Pero kung patuloy tayong mamumuhay sa pagkakasala, mawawalan ng bisa ang biyaya ng kaligtasan sa atin – kailangan ang ating pakikipagtulungan, upang mapagyaman natin ang ating tinamong kaligtasan.  Ayon pa kay San Agustin “God created us without us:  but He did not will to save us without us.”  Hangad ng Diyos ang ating kusang pagtalimang sundin ang Kanyang kalooban, bilang tanda ng ating pagmamahal at pasasalamat sa Kanya. Binigyan Niya tayo ng kalayaang pumili!  Hindi Niya ipinipilit ang Kanyang handog na kaligtasan sa atin.  Kaya kung patuloy tayong mamumuhay na parang walang Diyos, at susuway sa Kanyang utos, tayo ang nagpapahamak sa ating sarili.  Panginoon, salamat po sa handog Mong kaligtasan.  Marapatin Mo pong mapagyaman ko ito sa pagsunod Sa’yong banal na kalooban.  Amen.