Daughters of Saint Paul

Enero 6, 2018 Sabado bago mag-epifania / San Andres Bessette

MARCOS 1:7-11

Ito ang sinasabi ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral, “Darating na kasunod ko ang gagawa ng higit pa sa akin: ni hindi ako karapat-dapat yumuko para magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Sa tubig ko kayo bininyagan, at sa Espiritu Santo naman Niya kayo bibinyagan.” Nang panahong yun dumating si Jesus mula sa Nazaret at Galilea, at bininyagan Siya ni Juan sa Ilog Jordan. At pagkaahon Niya sa tubig nakita niyang nahawi ang langit, at parang kalapating bumababa sa kanya ang Espiritu ng Diyos. At narinig mula sa langit: “Ikaw ang aking Anak na minamahal; ikaw ang aking hinirang.”

PAGNINILAY:

Ipinakikita sa tagpo ng Ebanghelyong narinig natin na taong-tao si Jesus.  Inilalarawan sa tagpong ito na dumating si Jesus mula sa Nazareth.  Pero, ang katotohanan dumating si Jesus mula sa Langit.  Pumanaog Siya sa lupa, upang maging isa sa atin.  Naging taong katulad natin si Jesus sa lahat ng bagay, maliban sa kasalanan.  Ito siguro ang ipinahihiwatig ng pagpapabinyag ni Jesus kay Juan.  Nagpabinyag Siya kay Juan tulad ng mga tao sa panahon Niya na naniniwala rito.  Totoong Anak ng Diyos si Jesus, at hindi na nangangailangan ng binyag.  Pero buong kababaang-loob Niyang tinanggap ang pagbibinyag ng Kanyang pinsan.  Mga kapatid, hindi na kinakailangang maging tao ni Jesus upang tayo’y maligtas.  Maaari Niya itong gawin sa isang pitik ng mga daliri.  Pero hindi ito ang kalooban ng Kanyang Ama sa Langit.  Kaya naman, buong kababaang-loob na pumarito Siya sa lupa upang tuparin ang nais ng Ama.  At dahil dito, sinabi ng Ama, “Ikaw ang aking Anak, ang Minamahal, ikaw ang aking hinirang.”  Sa ating pang-araw-araw na buhay, may mga pagkakataong masyadong mataas ang pagtingin natin sa ating mga sarili.  Sa tingin natin indispensable tayo sa ating trabaho kaya may mga taong ayaw nang bumaba sa kanilang kinalalagyan.  Minsan nagiging mapili tayo sa mga taong gusto nating maging kaibigan.  Minsan din, may mga taong ayaw nating makasalamuha, dahil sa tingin natin, hindi natin sila kauri o ka-level.  Pero kapag ganito ang ating pananaw, marami tayong napapalampas sa buhay.  Mga kapanalig, huwaran natin ang Panginoong Jesus sa kababaang-loob.  Kung Siya ngang Diyos nagpakababa para makapiling tayo na hindi Niya “kauri,” tayo pa kaya?  Manalangin tayo.  Panginoon, ituro Mo po sa akin ang daan ng kababaang-loob nang makita ko ang Iyong buhay na presensya sa lahat ng taong nakakasalamuha ko araw-araw.  Huwag nawa akong maging mapagmataas at mapanhusga sa kahinaan ng aking kapwa, dahil ako din naman po ay mahina at nagkakasala, at umaasa rin sa Iyong awa.  Amen.