Daughters of Saint Paul

Enero 7, 2018 Linggo / Ang Pagpapakita ng Panginoon Dakilang Kapistahan

MATEO 2:1-12

Pagkapanganak kay Jesus sa Betlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan.  Nagtanong sila: “Nasaan ang bagong silang na hari ng maga Judio?  Nakita namin ang pagsikat ng kanyang tala sa Silangan at naparito kami para sambahin siya.” Nang marinig ito ni Herodes, naligalig siya at ang buong Jerusalem.  Ipinatawag niya kaagad ang bagong kaparian at ang mga dalubhasa sa Batas, at itinanong  sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas. At sinabi nila: “Sa Betlehem ng Juda sapangkat ito ang isinulat ng Propeta: ‘At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda, sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno: siya ang magiging pastol ng aking bayang Israel.’ Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa sumikat na tala.  At saka niya sila pinapunta sa Betlehem at sinabi: “Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata.  Pagkakita ninyo sa kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako sa kanya at makasamba.” Umalis sila pagkarinig nila sa hari.  Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng sanggol.  Labis na natuwa ang mga pantas nang makita nilang muli ang tala! Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang sanggol kasama ni Mariang kanyang ina.  Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang kanilang mga mamahaling dala at hinandugan siya ng mga regalong ginto, kamanyang at mira. At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil binilinan ssila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.

PAGNINILAY:

Ang kalangitan kumikinang dahil sa mga bituin.  Napakaganda nilang pagmasdan!  Pero ang nakakalungkot hindi na natin napapahalagahan ang kanilang liwanag, lalo na dito sa kamaynilaan.  Dahil bukod sa napakaraming ilaw sa paligid, patuloy na kumakapal ang maduming usok na tumatabing sa madilim na kalangitan.  Iba pa diyan ang maraming taong nakatutok na sa telebisyon, sa kanilang mga gadgets at computer pagdating ng gabi, kaya wala nang panahong pagmasdan at mamangha sa kagandahan ng mga bituin sa kalangitan.  Sa Ebanghelyo ngayon, narinig natin na ang mga pantas mula sa Silangan, nabiyayaan ng isang tunay na kamangha-manghang kaganapan. Nakita nila ang tala sa kalangitan na tanging mga mata lamang ng taong may pananampalataya sa Panginoon ang maaaring makakita.  Mahirap man ang kanilang dinaanan sa paghahanap sa sanggol, natagpuan din naman nila ito dahil sa isang maliwanag na tala na siyang naging gabay sa kanilang daan patungo sa Bethlehem.  Mga kapanalig, sa pagsisimula natin ng Bagong Taon 2018, itaas natin sa Panginoon ang taimtim na hangarin ng ating puso.  Idalangin natin na nawa’y ang Panginoong Jesus ang maningning na tala na gagabay sa atin sa buong taon.  Panginoon, nananalig po ako na Ikaw ang maliwanag na talang tumatanglaw sa oras ng kadiliman at pagsubok sa buhay.  Patuloy po Ninyong tanglawan ang aking puso’t isipan, nang lagi akong makapamuhay ayon Sa’yong banal na kalooban.  Amen.