Daughters of Saint Paul

ENERO 21, 2018 Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon (B) / Kapistahan ng Mahal na Sto. Nino sa Pilipinas

MARCOS 10:13-16

May nagdala kay Jesus ng mga bata para hipuin niya sila. Ngunit pinagalitan ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. At pagkakita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila: “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag n'yo silang pigilan. Sa mga tulad nga nila ang Kaharian ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi papasok sa Kaharian ng Diyos ang di tumatanggap dito gaya ng isang maliit na bata.” At pagkakalong sa kanila ni Jesus, ipinatong niya s kanila ang kanyang mga kamay para basbasan sila.

PAGNINILAY:

Marami ang nagsasabing ibang-iba na ang mga bata ngayon.  Mas mabibilis silang mag-isip, mas maliksing gumalaw at mas madaling matuto. Hindi rin sila mahiyain – at kadalasan pa nga sila ang nag-eentertain sa mga bisita.  Taliwas ito sa mga nakagisnan ng ating mga magulang, lolo at lola na pinatatago sa silid ang bata at di pwedeng makisalo sa usapan ng matatanda.  Sa isang banda magandang pagbabago ito sa mga bata – umuunlad ang kanilang pagkatao at ang kanilang pakikitungo sa iba.  Sa kabilang banda naman, kung hindi sila magagabayan ng kanilang magulang sa tamang pagkilos at wastong pag-uugali, maaaring mawala ang paggalang, magiging magaspang ang kanilang pag-uugali at marami silang sasayanging oras sa paggamit ng gadgets.  Mga kapanalig, ang media, social media at new converging communications technology, na kinahuhumalingan ng maraming kabataan sa ngayon ang humuhubog sa kanilang puso’t isipan at buong pagkatao – sa masama man o mabuti.  Sino ang makapagsasabi kung ilang porsyento sa kanilang nasasagap na mensahe ang maging kapaki-pakinabang at huhubog sa kanila upang maging mabuting tao at Kristiyano?  At ilang porsyento naman ang makakasira at lalason sa kanilang murang isipan?   Ayon sa mga pag-aaral, kung impluwensiya rin lang pag-uusapan, masasabing nasapawan na ng mga mensaheng nagmumula sa media at makabagong teknolohiya –ang tradisyonal na institusyon tulad ng tahanan, paaralan at Simbahan.  Kaya hindi katakataka kung bakit ibang-iba na ang gawi, pagkilos at mga pinahahalagahan ng mga kabataan sa kasalukuyan.  Sa totoo lang, wala na tayong magagawa para kontrolin ang media sa paggawa ng mga basurang productions na makasisira sa moral values ng mga tao, lalo’t higit ang mga kabataan – dahil pinagkakakitaan nila ito.  Ang magagawa lang natin kontrolin ang ating mga media exposures.  Piliing mabuti ang mga pinanonood, pinapakinggan at mga binabasa at siguraduhing makakatulong lahat ito sa ating paglago bilang mabuting tao, mabuting Kristiyano at mamamayan ng ating bansa.