MARCOS 4:1-20
Nagsimula magturo si Jesus sa tabing-dagat at marami ang nagkatipon sa kanya….”Makinig kayo! Lumabas ang manghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may butong na nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa katuhan at mababaw and lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init, at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman at hindi namunga. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga sa paglaki at paglago. May nagbunga ng tatlumpu, animnapu ang iba at sandaan ang iba pa.” Ang salita ang inihahasik ng manghahasik. Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nahasikan ng Salita, na pagkarinig nila sa salita ay agad na dumating ang masama at inagaw ang nahasik sa kanya. Gayundin ang nahasik sa batuhan. Pagkarinig nila sa Salita, kaagad nila itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa Salita, agad-agad silang natitisod. “May iba pang nahasik sa mag tinikan. Anf mga ito ang nakarinig sa Salita. Ngunit pinapasok ang mga ito ng mga makamundong kabalisahan, ng pandaraya ng kayamanan at ng iba pang mga pagnanasa. Sinikil ng mga ito ang Salita at hindi na nakapagbunga. Ang mga buto namang nahasik sa matabang lupa ay ang mga nakarinig sa Salita at isinasagawa ito. At nagbubunga sila ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, ang mga binhi, tumutukoy sa Banal na turo ng Panginoong Jesus. Ang paghahasik naman, ang Kanyang pangangaral. Kay Jesus, muling narinig ng mga tao ang tinig ng Panginoon na minsa’y tumahimik habang naghihintay ng tamang panahon sa Kanyang pagdating. Pero sa kabila ng kapangyarihan ng Kanyang Salita, iba-iba ang naging tugon ng mga nakikinig. May madaling makalimot sa pahayag, mayroong hanggang kaalaman lang at hindi isinasabuhay, mayroon ding tinatanggap ang pahayag, pero kulang sa paninindigan, at mayroon ding mapalad na tinatanggap ang Salita, iniingatan at pinagsisikapang magbunga sa kanilang buhay. Alin ba tayo sa mga taong nabanggit? Kamustahin natin ang araw-araw nating pagtugon sa panawagan ng Banal na Salita ng ating Panginoon. Nagbubunga ba ito sa ating buhay? Ang Salita ng Diyos ba ang nagiging panuntunan natin sa tuwing nalalagay tayo sa sitwasyong kinakailangan nating mamili sa pagitan ng maka-Diyos na pagpapasya o makamundong pagpapahalaga? Suriin natin ang ating sarili… Panginoon, gawin Mo po akong kasangkapan sa pagpalaganap ng Iyong kaharian. Itulot Mo pong maisabuhay ko ang Iyong Salita na araw-araw kong napapakinggan at napagninilayan. Amen.