MARCOS 4:35-41
Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. At nagkaruon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at balewala sa iyo?” Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tahimik, huwag kumibo.”Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan. At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot n'yo! Bakit? Wala pa ba kayong paniniwal?” Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap: “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”
PAGNINILAY:
Sa araw-araw nating pagtutok sa mga balita sa radio, TV, pahayagan at internet, marami tayong nasasagap na bad news. Nandidiyan ang mga pagpatay, talamak na korupsiyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, ang malawakang kahirapan, kagutuman at kawalan ng trabaho ng marami nating mamamayan, ang paglabag sa karapatang pantao o modern slavery katulad ng human trafficking, at ang karumaldumal na pagpatay sa mga Kristiyano sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa gitna ng kadilimang ito, masasabi kaya nating nakatulog ang Diyos at walang gumising sa Kanya? Marahil tayo din nakatulog, kaya hindi natin nagawang gisingin ang Panginoon. Pero ganun ba talaga kalupit ang Diyos para pahirapan ang Kanyang mga nilikha? Mga kapanalig, hindi man natin lubos na maunawaan kung bakit tila tahimik ang Diyos at hinahayaan Niyang mamayagpag ang kasamaan, lagi pa rin natin alalahanin na kailanman hindi Siya natutulog. Nalalaman Niya ang lahat ng nangyayari sa atin. At kumikilos Siya para tulungan tayo sa paraang hindi natin nalalaman. Alalahanin natin, na sa katapusan ng ating buhay, ang Diyos ang may huling salita. Huhusgahan Niya tayo ayon sa kung paano natin ginamit ang maikling buhay na pinahiram Niya sa atin. Kaya sa gitna ng umiiral na kasamaan sa ating lipunan at sa mundo, patuloy tayong manalig at magdasal sa Panginoon, na palakasin ang ating pananampalataya. Nawa’y huwag tayong padadala sa maling kalakaran at sistema. Manalig tayo, na sa Kanyang takdang panahon babaguhin Niya ang mukha ng mundo, at papawiin Niya ang hirap at pasakit na hatid ng unos at bagyo na dumarating sa ating buhay.