Daughters of Saint Paul

PEBRERO 1, 2018 HUWEBES SA IKAAPAT NA LINGGO NG TAON

MARCOS 6:7-13

Tinawag ni Jesus ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at isang damit lang. At sinabi niya sa kanila: ”Pagtuloy n'yo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis n'yo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.” At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring may-sakit ang pinagaling nila sa pagpapahid ng langis.

PAGNINILAY:

Ang pagsusugo ni Jesus sa labindalawang apostol ang pasimulang pakikibahagi ng tao sa pagbalita ng kaligtasan.  Pinahayo sila ni Jesus na walang anumang dala.  Tungkod lang – na simbolo ng pangangalaga sa kawan ng Diyos.  Hamon ito sa paglilingkod ng mga tinawag at isinugo ng Diyos bilang pastol ng sambayanan.  Halimbawa, hamon itong tutulan ang mga nagaganap na kasamaang panlipunan o social evil – katulad ng walang habas na pagsira ng kalikasan para sa pansariling pagpapayaman, ang nagaganap na extra judicial killings ng mga pinaghihinalaang sangkot sa droga, ang  malawakang katiwalian sa lipunan, at ang kawalan ng hustisya at pagpapahalaga sa buhay ng tao.  Malaki ang pananagutan ng mga pari, madre at mga laykong naglilingkod sa simbahan, dahil inaasahan tayong manguna sa pagsabuhay ng Mabuting Balitang ipinapahayag natin. Inaasahan ding matularan natin ang ipinakitang pamumuhay ni Jesus bilang isang servant-leader.  Isang lider na hindi naghahari-harian at nagsasamantala ng posisyon, kundi handang maglingkod nang tapat at may kababaang loob. Ngayong Taong 2018 na itinalagang Taon ng mga Pari at mga Nagkonsagra ng Buhay sa Diyos, na may temang “Renewed Servant-Leaders for the New Evangelization, nilalayon nitong mapanibago ang lahat ng nagtalaga ng buhay sa Diyos nang buong-buo – ng mga pari at madre, na maglingkod nang tapat, may kababaang-loob at pag-ibig katulad ni Kristo.  Hamon ito hindi lang sa mga naglilingkod sa simbahan kundi maging sa pinuno ng pamahalaan, paaralan, tahanan, at kumpanyang pinagtatrabahuhan.  Inaasahan tayong maging servant-leader na handang gabayan ang mga taong ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.  Kung tutuusin, lahat ng hinirang na lider, lingkod ng Diyos na maituturing.  Kaya nararapat lamang na magampanan natin ang ating tungkulin, ayon sa halimbawa at kalooban ng Diyos. Hilingin natin sa Diyos ang biyayang  makatugon sa hamong ito.