LUCAS 2:22-40
Nang dumating na ang araw ng paglihis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala nina ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon, tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: “Lahat ng panganay na lalake ay ituturing na banal para sa Panginoon. Ngayon, sa Jerusalem may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at makadiyos ang taong iyon, hinihintay niya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. Ipinaalam naman ng Espiritu Santo na hindi siya mamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Miseyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya sa templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin nang mga magulang ang batang Jesus para matupad ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya. Kinalong siya ni Simeon sa kanyang braso at pinuri ang Diyos at sinabi: “Mapapayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon narin sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa bansang pagano at luwalhati sa bayang Israel.”
May isang babaeng propeta si Ana, na anak ni Panuel, na mula sa tribo ng Asher, matandang-matanda na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling ‘yun nagpuri din siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata at sa lahat ng naghihintay sa katubasan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa batas ng Panginoon umuwi sila sa kanilang bayan sa Nazareth, sa Galilea. Lumalaki at lumalakas ang bata na puspos siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang loob ng Diyos.
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, isang mahalagang bahagi ng pagsamba ang pag-aalay. Sa ganitong paraan, naipapahayag natin ang ating pagsuko at pagtitiwala sa Diyos na Siyang lumikha ng lahat. Sa ating pag-aalay, ipinapahayag natin ang ating pananalig na lahat nagmumula sa Diyos. At walang tayong pag-aari na di nagmumula sa Kanyang kagandahang loob, maging ang buhay nating taglay. Ito ang nais bigyang-pansin ng Kapistahan ng paghahain kay Jesus sa Templo ng kanyang mga magulang. Matutuklasan natin na kapag nagbibigay tayo nang buong puso sa Diyos, hindi tayo kailanman mawawalan o mababawasan. Sa halip, babalik ito sa atin nang mas higit pa sa ating inaasahan. Panginoon, dagdagan Mo po ang aking pagtitiwala, Sa’yong walang hanggang pagkalinga at awa. Matuto nawa akong magbigay nang nararapat at ialay Sa’yo ang lahat-lahat sa akin, na mula din naman Sa’yo. Gamitin ko nawa ito sa gawaing paglilingkod para Sa’yong kapurihan. Amen.