MARCOS 6:30-34
Pagbalik ng mga apostol kay Jesus, isinalaysay nila sa kanya ang lahat ng nilang ginawa at itinuro. Sinabi naman ni niya sa kanila: ”Tayo na sa isang ilang na lugar para mapag-isa tayo at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Sapagkat doo'y marami ang paroo't parito at hindi man lamang sila makakain. Kaya lumayo sila at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar.
Ngunit nakita silang umalis ng ilan at nabalitaan ito ng marami. Kaya nagtakbuhan sila mula sa kani-kanilang bayan at nauna pang dumating na lakad kaysa sa kanila. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyong ating narinig, pinapaalalahanan tayo ng Panginoong Jesus ng kahalagahan ng pagpapahinga. Ano ba ang ibig sabihin ng “pahinga” para sa atin? Ito ba’y isang buhay na “hayahay!” – pag-upo-upo sa isang silyang tumba-tumba, habang nakataas sa mesa ang paa, kumakain ng chichiriya habang nanonood ng TV? Ito ba’y pagtulog ng buong araw na humihilik; o pananatiling nakaupo nang walang ginagawa, nakatingin sa malayo, at malalim ang iniisip; o pakikipaghuntahan sa mga kaibigan, pagkakantahan o pamamasyal sa park kasama ang mag-anak? Ano nga ba ang totoong pagpapahinga? Mga kapanalig, masasabing “pahinga” ang ginagawa mo kung gusto at mahal mo ang ginagawa mo. Halimbawa ang pagsusulat ng repleksyon para sa ating programa, hindi ko ito itinuturing na trabaho, kundi isang pahinga, dahil nag-eenjoy ako sa ginagawa ko. Ganyan din marahil ang pananaw ng isang nanay kapag nagluluto siya para sa kanyang mga anak. Hindi siya napapagod gawin ito lalo na’t nakikita niyang kuntento at nasisiyahan ang kanyang pamilya. Kapag may pag-ibig at galak nating ginagawa ang ating trabaho, nagiging sandali ito ng pahinga. Ang pananalangin, matatawag din nating sandali ng pamamahinga. Matapos ang maghapong pagtatrabaho, lumalapit tayo sa Panginoon para hilingin na gawin naman Niya ang Kanyang bahagi. Ang paglalaan ng panahon para makapagpahinga, tamang pagkakataon din upang makapagmuni-muni sa mga kaganapan sa ating pang-araw-araw na buhay – suriin ang sarili kung nakapamumuhay tayo ayon sa kalooban ng Diyos, at kung masaya at may contentment tayong nadarama sa tuwing nagagampanan natin ang mga tungkulin sa buhay. Mga kapanalig, magpapatuloy ang pag-ikot ng mundo kahit wala tayo. Kaya huwag nating aabusuhin ang sarili sa pagtatrabaho, kundi sikaping mamuhay ng balanse – may panahon para sa pisikal at espiritwal na paglago bilang tao. Matuto sana tayong magpahinga sa piling ng Panginoon kahit sandali, dahil Siya lamang ang makapagbibigay sa’tin ng tunay na kapahingahan.