Daughters of Saint Paul

PEBRERO 5, 2018 LUNES SA IKALIMANG LINGGO NG TAON /Paggunita kay Santa Agata, dalaga at martir

MARCOS 6:53-56

Pagkatawid ni Jesus at ng kanyang mga alagad, dumating sila sa pampang ng Genesaret at doon nila isinadsad ang bangka. Paglunsad nila ng bangka, nakilala si Jesus ng mga tagaroon at patakbo nila itong ipinamalita sa lupaing iyon. Kaya dinala nila ang mga maysakit na nasa higaan kung saan nila mabalitaang naroon siya. At saanman siya lumakad, sa mga nayon man o sa bayan o sa bukid, inilalagay nila sa mga liwasan ang mga maysakit at nakikiusap sa kanya na mahipo man lamang sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo rito.

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, kung iisipin natin, maraming mga taong dumaraan sa ating buhay na hindi man lang natin nakilala.  ‘Yung drayber ng dyip na sinasakyan natin; ‘yung tinderang binibilhan natin sa palengke; ‘yung nagtanim ng palay at mga gulay na kinakain natin; ‘yung karpinterong nagtayo ng ating bahay; ‘yung batang naglalako ng sampagita o nagdadala ng dyaryo sa bahay natin at marami pang iba.  Lahat sila’y “walang pangalan” at malamang hindi na natin sila makikilala pa.  Pero kahit hindi natin sila nakilala, naging bahagi sila ng ating buhay sa malaki o maliit na paraan man.  May magagawa tayo para sa kanila.  Gayundin naman, may magagawa sila para sa atin.  Mga kapanalig, kung darating muli ang Panginoon ngayon, tiyak na una Niyang pupuntahan ang mga di-kilalang taong tulad nila.  Sa kanilang piling, maaaring hindi natin makilala ang Panginoon. Pero tunay na nananahan Siya sa maliliit nating kapatid na ito, kung paanong nananahan din Siya sa atin.  Nagpapahiwatig din ito na lahat tayo’y magkakaugnay.  May kanya-kanya man tayong tungkuling ginagampanan, anuman ang estado natin sa buhay – isa lang ang mundong ating ginagalawan.  Napaglilingkuran natin ang isa’t isa ayon sa kaloob na kakayahang ibinigay sa atin ng Diyos.  Kaya lagi nating kilalanin ang katotohanang lahat tayo’y magkakaugnay – mayaman man o mahirap, bata o matanda, nakapag-aral man o hindi.   Dahil sa kahuli-hulihan ng ating buhay lahat tayo’y pantay-pantay sa mata ng Panginoong Maylikha sa ating lahat.