MARCOS 7:1-13
Nagkatipon sa paligid ng Jesus ang mga Pariseo at ilan sa mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem. Napansin nila na kumakain ang ilan sa mga alagad niya nang may maruming kamay, na hindi naghuhugas ayon sa seremonya. Sinusunod nga ng mga Pariseo pati na ng mga Judio ang tradisyon ng kanilang mga ninuno at hindi sila kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay. At hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito nililinis, at marami pa'ng dapat nilang tuparin, halimbawa'y ang paglilinis ng mga inuman, mga kopa at pinggang tanso. Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Bakit hindi isinasabuhay ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Tama ang propesiya ni Isaias tungkol sa inyong mga mapagkunwari. Nasusulat sa 'Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang labi, at malayo naman sa akin ang kanilang mga puso. Walang silbi ang kanilang pagsamba sa akin at kautusan lamang ng tao ang kanilang itinuturo.' “Pinababayaan nga ninyo ang utos ng Diyos para itatag ang tradisyon ng mga tao.” At sinabi ni Jesus: ”Mahusay na pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos para tuparin ang inyong tradisyon. Sinabi nga ni Moises: 'Igalang mo ang iyong ama at ina,' at 'patayin ang sinumang susumpa sa kanyang ama o ina.' Ngunit sinasabi n'yo na kung may magsasabi sa kanyang ama o ina, 'Inialay na ang puwede kong itulong sa inyo,' wala na siyang magagawang anuman – ayon sa palagay ninyo – para sa kanyang ama at ina. Kaya pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa tulong ng sarili ninyong tradisyon. At marami pa ang mga ginagawa ninyong ganito.”
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyong ating narinig, makahulugan ang sinabi ng Panginoon na ‘Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang labi, at malayo naman sa akin ang kanilang puso.’ Isa itong paanyaya na suriin ang paraan ng ating pagdarasal. Ang ating dasal ba’y kabisado na natin at dinarasal ito nang wala sa loob? O nagdarasal tayo nang taimtim, mula sa kaibuturan ng ating puso? Pansinin natin ang ating pagdarasal ng Santo Rosaryo. Isa itong dasal na kabisado na ng marami sa atin. Ilan ba sa atin ang nagdarasal nito ng mekanikal o lip service na lamang at hindi talaga sinasaloob. Kung anu-ano ang iniisip habang nagdarasal, ang iba’y nagtetext at ang iba nama’y may iniintinding gawain habang nagdarasal. Kung kaya’t parang hindi ka din nagdasal pagkatapos. Hindi Mo talaga naramdaman ang buhay na presensiya ng Panginoon sa iyong panalangin. Mga kapanalig, pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon na gawing banal na panahon ang pakikipag-usap natin sa Diyos sa panalangin. Gawin natin itong taimtim, at may pagmamahal. Itaas sa Kanya ang ating puso’t isip at buong pagkatao at hayaan Siyang mangusap sa kaibuturan ng ating puso.