Daughters of Saint Paul

PEBRERO 10, 2018 SABADO SA IKALIMANG LINGGO NG TAON / Paggunita kay Santa Escolastica, dalaga

MARCOS 8:1-10

Maraming tao ang sumama kay Jesus at wala silang makain. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala nang makain at kung paalisin ko silang gutom, baka mahilo sila sa daan. Galing pa sa malayo ang ilan sa kanila.” Sumagot ang kanyang mga alagad: “At paano naman makakakuha ng tinapay at para sa pakainin sila sa ilang na ito?” Tinanong sila ni Jesus: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito.” Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad para ihain; at inihain nila ang mga ito sa mga tao. Meron din silang ilang isda. Binasbasan ito ni Jesus at iniutos na ihain din ang mga ito.  Kumain sila nabusog at tinipon ang mga natirang pira-piraso-pitong bayong. Apat na libo ang naroon, at saka sila pinauwi ni Jesus. Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad upang pumunta sa lupain ng Dalmanuta.     

 

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyong ating narinig, nakapagtataka kung paanong napakain ni Jesus ang apat na libong tao kung pipito lamang ang mga tinapay at iilan lamang ang mga isda.  Isa ba itong himala o simpleng pagbibigayan ng tao?  Para sa ating mga sumasampalataya na Panginoon at Diyos si Jesus, walang kaduda-dudang kaya Niyang gawin ang lahat.  Pero, tungkol nga ba sa ano ang himalang ito?  Mga kapanalig, ang himala ng pagpaparami ng tinapay, tungkol kay Jesus na “tinapay ng buhay” para sa mga nagugutom; kagalakan para sa mga nalulungkot; kapayapaan para sa mga naguguluhan; kanlungan para sa mga nawawala; kapatawaran para sa mga makasalanan.  Sa madaling salita, tugon si Jesus sa anumang pangangailangan ng tao.  Sa bawat pakikinabang natin sa Banal na Komunyon, tinatanggap natin ang katawan at dugo ng Panginoong Jesus, sa anyong tinapay at alak – na Siyang pagkain ng ating kaluluwa at buong pagkatao.  Dumadaloy ang Kanyang banal na Presensiya sa bawat himaymay ng ating laman at dugo, kaya’t marapat lamang na maibahagi natin Siya sa iba sa pamamagitan ng ating pagkatao. Sa’yong pang-araw-araw na buhay masasalamin ba ang buhay na presensiya ng Diyos sa paraan ng iyong pamumuhay at pakikitungo sa kapwa?