MARCOS 8:11-13
Dumating ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo kay Jesus. Gusto nilang subukan si Jesus at humingi ng isang makalangit na tanda. Nagbuntung-hininga siya at sinabi: “Bakit humihingi ng palatandaan ang lahing ito? Talagang sinasabi ko sa inyo: walang tandang ibibigay sa lahing ito.” Kaya iniwan sila ni Jesus at sumakay sa bangka patawid sa kabilang ibayo.
PAGNINILAY:
Ngayong Taon ng mga Pari at Nagkonsagra ng buhay sa Diyos, pahintulutan n’yo po akong ibahagi ang aking vocation story kung bakit ako nagmadre. Bagama’t marami ang nagtataka at hindi nakakaintindi kung bakit ako pumasok ng kumbento, maging ang aking ina, mga kapatid, kaibigan at mga kamag-anak – nagpatuloy pa rin akong tahakin ang bokasyon ng pagmamadre. Iba’t iba ang kanilang haka-haka kung bakit ako nagmadre. May mga nag-aakalang nabigo daw ako sa pag-ibig. Sa tingin naman ng nanay ko, natatakot daw akong manganak. Di rin makapaniwala ang mga kapatid ko at officemates, dahil wala daw sa tipo ko ang makakatagal sa kumbento. Limang taon na akong nagtatrabaho noon, at nag-eenjoy naman ako sa aking trabaho at sa mga gimik kasama ang mga kaibigan. Masaya akong kasama ang aking pamilya, kamag-anak at mga kaibigan. Pero sa kabila nito, tila may kulang akong nararamdaman sa aking puso na sinikap kong hanapan ng kasagutan. Ito ang nagtulak sa akin para sumailalim sa seryosong discernment o pagtuklas sa pamamagitan ng panalangin kung ano talaga ang gusto ng Diyos para sa akin. Hindi man malinaw sa akin kung ako nga’y tinatawag ng Diyos sa pagmamadre, pero sinubukan ko pa ring pumasok. Sabi ko sa aking sarili, wala namang masamang sumubok. Kung matutuklasan ko along the formation years na hindi talaga ako sa pagmamadre, eh di lalabas ako’t mag-aasawa. Marami akong dinanas na pagsubok sa loob. At makailang ulit ko ring naisipang lumabas sa kumbento. Ito ang mga pagkakataong lalo pa akong nagdasal at humingi ng tanda sa Panginoon. Sabi ko sa Diyos, kung magkakasakit ako ng malubha habang nasa formation years pa ako, malinaw na tanda ito na hindi talaga ako sa pagmamadre. Sa awa ng Diyos, minor lang naman ang mga naging sakit ko hanggang sa mag-perpetual profession ako. At ramdam na ramdam ko ang buhay na presensiya ng Panginoon lalo na mga panahong nahihirapan na akong tumugon sa aking bokasyon. Ngayong ganap na madre na ako, nasabi ko sa aking sarili na tapat ang Panginoon sa Kanyang pangako, na kapag tinawag ka Niyang maglingkod, bibigyan ka Niya ng biyayang kayanin ang lahat ng mga pagsubok na kahaharapin mo, gaano man ito kabigat at kalaki. Mga kapanalig, hindi naman masamang humingi ng tanda sa Panginoon, lalo na sa mga ginagawa nating pagdedesisyon. Pero maging bukas sana tayong tanggapin kung ano man ang Kanyang tugon, at lagi itong gawin nang may panalangin at pagtitiwala sa Diyos.