MARCOS 8:14-21
Nakalimutan ng mga alagad na magadala ng tinapay at isa lang ang dala nila sa bangka pinagsabihan sila ni Jesus: “Mag-ingat at huwag magtiwala sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” At sinabi ng mga alagad sa isa't isa: “Oo nga, ano? Wala tayong dalang tinapay.” Alam ni Jesus ang mga ito kaya sinabi niya sa kanila: “Ba't n'yo pinag-uusapan ang tinapay na wala sa inyo? Hindi pa ba n'yo maisip at maunawaan? Mapurol ba ang inyong pag-iisip? May mata kayong hindi nakakakita at may taingang hindi nakakarinig? Hindi ba ninyo naaalala nang pinira-piraso ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Labindalawa.” “At nang may pitong tinapay para sa apat na libo, ilang bayong na puno ng mga pira-piraso ang naipon?” At sumagot sila: “Pito.” At sinabi ni Jesus: “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyong ating narinig, matindi ang pananalitang binitawan ni Jesus sa mga alagad. Tila ininsulto Niya sila nang Kanyang sabihing, “Mapurol ba ang inyong pag-iisip? May mata kayong di nakakikita at may tengang di nakaririnig?” Nasabi ito ng Panginoon dahil maling-mali ang mga Judio, pati na ang mga alagad, sa pagkilala nila kay Jesus. Akala nila, si Jesus, isang pinunong pulitikal. Akala nila, si Jesus, tagapagbigay lang ng pagkain. Pero ibang uri ng pagkain ang iniaalok ni Jesus. Nais nilang Siya’y maging hari nila, pero mas nais Niyang maglingkod at maging huli sa lahat. Kaya nga maling-mali sila ng akala. Mga kapanalig, siguro hindi rin tayo naiiba sa kanila. Ano ba ang pagkakakilala natin sa Panginoon? Siya ba’y Diyos na naaalala lamang natin sa tuwing tayo’y may pangangailangan? O isang Diyos ng ating buhay na, minamahal at pinararangalan natin bilang ating Tagapagligtas? Dahil kung Diyos siyang naaalala lamang natin sa tuwing tayo’y may problema at pangangailangan, hindi kataka-takang nagugutom pa rin tayo; na mahirap sa atin ang magpatawad; na nag-aaway-away pa rin tayo at naghahanap ng kahulugan sa pang-araw-araw na buhay. Maling-mali tayo lahat sa pagkakilala kay Jesus. Kaya nga, pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo ngayon na kailangan nating mas magtiwala pa na hindi tayo iiwan ni Jesus. Kailangan nating lubos na sumampalataya sa Kanya upang hindi tayo matakot. Kailangan nating tularan Siya at mamuhay nang mas malaya. Kailangan nating ipakita ang katotohanang nasa mga puso at buhay natin Siya. Manalangin tayo. Panginoon, itulot Mo pong makilala kita sa aking kapwa. Dagdagan Mo po ang aking pananampalataya nang makita ko ang Iyong mahiwagang pagkilos sa aking buhay. Amen.