MATEO 6:1-6, 16-18
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat na hindi maging pakitantao lamang ang inyong mabubuting gawa…“Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at iyong Amang nakakakita sa nga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. Kung mananalangin kayo, huwag n'yong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo. Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantipalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno na pakitantao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.”
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, may kasabihan na kung gusto mong mabuhay nang walang- hanggan, tatlong bagay ang dapat mong gawin: magtanim ng puno, sumulat ng aklat, at magkaroon ng anak. Pero paano na kung binigo ka ng tatlong ito? ‘Yun na rin ang katapusan ng iyong walang hanggan. Ang problema sa tatlong ito, lahat sila’y para sa “sarili” mo, na hindi mananatiling buhay habang panahon. Mga kapatid, pinapaalalahanan tayo ng Ebanghelyo na kung gusto nating mabuhay ng walang hanggan, tatlong bagay ang maaari nating gawin: lagi tayong manalangin sa ating Panginoon, magsakripisyo para sa iba, at magbahagi sa mga mahihirap. Ang mga ito’y hindi lamang para sa ating sarili kundi para sa iba. Mananatili tayong buhay sa mga puso ng mga ginawan natin ng kabutihan. At kung lihim natin itong gagawin, makikita ito ng Diyos at pagpapalain tayo ng buhay na walang hanggan. Panginoon, sa pagsisimula ngayon ng panahon ng kuwaresma itulot N’yo pong makatugon ako sa panawagang ng Ebanghelyo na magpakatotoo ako, at huwag pakitantao lamang ang mabubuting kong gawa. Amen.