Daughters of Saint Paul

PEBRERO 24, 2018 SABADO SA UNANG LINGGO NG KUWARESMA

MATEO 5:43-48

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.”

PAGNINILAY:

Ang aral ng Ebanghelyo ngayon pagpapatuloy sa ating napagnilayan kahapon.  Ano nga ba ang mga kinakailangan nating gawin para makamit ang ganap na kabanalan?  Narinig natin sa Ebanghelyo ang sinabi ng Panginoon, mahalin natin ang ating kaaway at ipagdasal ang mga umuusig at nagpapahirap sa ating damdamin.  Dinagdag pa ng Panginoon, na kung mamahalin lang natin ang mga taong nagmamahal sa atin – anong gantimpala ang matatamo natin?  Wala tayong ikinaiba sa mga makasalanan at pagano, na gumagawa rin ito.  Mga kapatid, inaanyayahan tayo ng Panginoon ngayon, na higitan ang mga ginagawa na nating kabanalan.  Mahalin ang kaaway at ipagdasal ang mga tumatakwil at nagpapahirap sa atin.  Sa ating karanasan, hindi madali ang pinapagawa sa atin ng Panginoon.  Napakahirap magmahal ng kaaway lalo pa’t napakalalim ng sugat na iniwan nito sa ating puso.  Minsan bata pa tayo nang nasaktan ng ating magulang, kapatid o kamag-anak.  Pero kimkim pa rin natin ang galit hanggang sa ating pagtanda.  At dahil sa galit na ito, nananatili tayong nakakulong sa anino ng nakaraan; namumuhay nang may galit sa puso, malungkot at hindi marunong magmahal.  Sa tuwing nagtatanim tayo ng galit sa kapwa, tayo mismo ang binabagabag ng ating konsensiya, hindi makatulog – kaya tayo ang lugi.  Samantalang ang kagalit natin, malamang mahimbing ang tulog.  Ngayong panahon ng Kuwaresma inaanyayahan tayo ng Panginoon na makipagkasundo sa ating mga kaaway.  Pag-usapan ng masinsinan ang anumang hindi pagkakaintindihan.  Lakipan ng dasal ang gagawing pakikipagkasundo nang mabasbasan ng Panginoon ang iyong mabuting hangarin.  Katulad ng pagpatawad ng Panginoon sa ating paulit-ulit na pagkakasala, ganun din ang inaasahan Niya sa atin.  Matutong magpatawad ng paulit-ulit hanggang wakas sa tulong ng Kanyang biyaya.  Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng pusong mapagpatawad… Hilumin Mo po ang sugat nang nakaraan, at panumbalikin ang nasirang ugnayan.  Idinadalangin ko rin po ang lahat ng taong aking nasaktan at nakasakit sa akin.  Sa tulong ng Iyong biyaya igawad Nyo po sa amin ang espiritu ng pakikipagkasundo.  Amen.