LUCAS 4:24-30
Pagdating ni Jesus sa Nazaret, sinabi niya sa lahat ng mga taong nasa sinagoga: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang Langit sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma'y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babaeng balo ng Serepta sa may Sidon. Marami ring mayketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong sa Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinakatayuan ng kanilang bayan para ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.
PAGNINILAY:
Ang halimbawa ni Jesus tungkol sa pag-abot ng tulong nina Propeta Elias at Propeta Eliseo sa mga Hentil, isa sa mga dahilan ng hindi pagtanggap ng mga kababayan Niya sa Kanya. Alam nila ang ibig sabihin ni Jesus – na malaki rin ang Kanyang pagpapahalaga sa mga hindi Israelita. Pero para sa kanila, sila lang ang bayang pinili kaya, sila lang ang nararapat na makatanggap ng kaligtasan. Kaya nagalit sila at ipinagtabuyan nila si Jesus. Mga kapanalig, paalala ito sa atin na tayong lahat may iisang Diyos. Anuman ang ating relihiyon: tulad ng Islam, Buddhismo, Taoismo, Hinduismo at Kristiyanismo, iisa lang ang ating sinasambang Diyos at binibigyan ng papuri, at iisa lang din ang ating hantungan. Kaya kailangan nating igalang ang turo at paraan ng pagpapahayag ng pananampalataya ng bawat relihiyon. Hindi rin dapat sarilinin ng isang relihiyon ang kaligtasan, dahil iisa lang ang pinanggagalingan ng kaligtasan. Walang iba kundi ang ating iisang Panginoon. Sa pangaral ding ito ni Jesus nakaugat ang salitang “Katoliko” na ang kahulugan, panlahat, pansansinukuban o “universal” sa wikang ingles. Di ba bilang Katoliko, iminulat ang ating pananampalataya at pag-iisip na ang kaligtasan, para sa lahat? Hindi para sa isang partikular na sekta lang kundi para sa lahat na tumatanggap kay Kristo bilang Panginoon. Ngayong Kuwaresma, muli nating sariwain ang malawak na pang-unawa na iginawad sa atin ng Banal na Espiritu. Ugaliin din nating iugat ang ating kilos at salita sa Banal na Salita ng Panginoon at pagtibayin natin ito sa ating buhay. Sa gayon, mauunawaan ng lahat na tayo’y nagmula sa iisang Panginoon. Pantay-pantay tayong tumatanggap ng buhay at biyaya mula sa Kanya sa bawat sandali, hanggang makibahagi tayong lahat sa Kanyang Kaharian.