MATEO 5:17-19
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag n'yong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang bisa kundi upang magbigay-kaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. “Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”
PAGNINILAY:
Sa Ebanghelyong ating narinig, binigyang karapatan ni Jesus ang batas, dahil namamali na ng pagpapatupad ang mga may katungkulan tulad ng mga eskriba at pariseo. Pero bakit maraming hindi nakauunawa sa Kanya? Unang-una dahil ang paraan ng pangangaral ni Jesus, hindi sapilitan, at ang Kanyang pakahulugan sa batas, alang-alang sa kabutihan ng mga tao. Sa katunayan, para matugunan ang matinding pangangailangan ng tao, hindi Niya inalintana kahit araw ng Sabat. Pinanumbalik Niya ang buhay ng natutuyong kamay ng tao; binigyan Niya ng paningin ang bulag; pinalayas ang masamang espiritu sa katawan ng tao at hinayaang kumain ng butil ng trigo ang Kanyang mga nagugutom na alagad. Pangalawa, pinapasigla Niya ang kalooban ng mga mahihirap, mga inuusig, at lahat ng mga pinagkakaitan ng saya. Kaya ang pag-aakala ng mga may kapangyarihan, mayayaman at tanyag sa lipunan, binabalaan sila ni Jesus. Inaakala rin nilang winawalang-bahala ni Jesus ang ipinahayag ng mga propeta tungkol sa pag-asa ng maluwalhating kaharian. Kung nauunawaan sana nila si Jesus nang ipinaliwanag Niya na kung sino man ang magsagawa at magturo ng mga Batas sa kapwa, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit. Kaya hilingin natin ang biyaya ni Jesus na maisakatuparan natin ang mga patakaran at alituntunin ng kinabibilangan nating samahan. Lalo na, sa kalagayan ng ating bansa sa ngayon. Nawa’y magkaisa tayo sa inaasam nating tunay na pagbabago. Na hindi nagtuturuan kung sino ang mali, nagsisiraan at nagpapahirapan, kundi, nagkakaisa at nagtutulungan tungo sa iisang hangarin para sa ikabubuti ng lahat. Gawin natin ito nang may buong pagmamahal na nakaugat sa pag-ibig natin kay Kristo.