MATEO 18:21-35
Nagtanong naman si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Jesus: “Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu't pitong beses.” Sinabi ni Jesus ang talinhagang ito: “Tungkol sa Kaharian ng Langit ang istoryang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili siya at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: 'Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.' Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw ng 'Bayaran mo ang utang mo!' Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: 'Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ng utang ko sa iyo.' Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang.… Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: 'Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Hindi ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?' Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nitong lahat ang utang.” Idinagdag ni Jesus: 'Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”
PAGNINILAY:
Sa tuwing pinatatawad tayo ng Panginoon, binibigyan Niya tayo ng pagkakataong magbago. Pero madalas, tulad ng kuwentong ating narinig, hindi tayo marunong magbigay ng pagkakataon sa iba, lalo na’t nasaktan tayo ng todo-todo o ang ating mga mahal sa buhay. Kaya naman paikut-ikot na lamang ang pananakit at pagkakasala sa isa’t isa. Tinatawag itong: “cycle of violence” sa wikang Ingles. Mga kapanalig, kung nagkasala man sa atin ang ating kapwa, huwag na nating suklian ito ng isa pang pagkakasala. Mamamayagpag lang ang kasamaan sa tuwing tayo’y gumaganti. Sa halip tularan natin ang Panginoong Jesus, na sa kabila ng pagkakasala ng tao, patuloy Siyang nagpapatawad. Sa pagkakapako Niya sa krus, sa halip na isumpa ang tao, hiniling Niya sa Ama na patawarin ito. Pinili Niyang magpakasakit upang maputol ang sumpa ng pagkamuhi at karahasan. Sa halip na karahasan, pag-ibig at pagpapatawad ang isinukli ng Panginoong Jesus sa mga nagkakasala sa Kanya. Panginoon, turuan Mo po akong magpatawad sa mga taong nagkasala sa akin. Pawiin Mo po ang sakit na aking naranasan, at hilumin ang sugat nang nakaraan. Amen.