JUAN 4:43-54
Pagkatapos ng dalawang araw, umalis si Jesus pa-Galilea. Nagpatotoo nga si Jesus na hindi pinararangalan ang isang propeta sa sariling bayan. Gayon pa man, pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga Galileo dahil nasaksihan nila ang lahat ng ginawa niya sa Piyesta sa Jerusalem. Naroon nga mismo sila sa Piyesta. Pumunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig. At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit sa Capernaum. Nang marinig niya si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya siya at pagalingin ang kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan. Sinabi kung gayon ni Jesus tungkol sa kanya: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala.” Sinabi naman sa kanya ng opisyal: “Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang anak ko.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Umuwi ka na. Buhay ang anak mo.” Nananalig ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Jesus at umuwi siya. Nang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing buhay ang anak niya. Inalam niya mula sa kanila kung anong oras siya gumaling at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una siya inibsan ng lagnat.” Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin ni Jesus: “Buhay ang anak mo.” At naniniwala siya pati ang buo niyang sambahayan. Ginawa ni Jesus ang ikalawang tandang ito pagdating niya sa Galilea mula sa Judea.
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, marami pa rin sa mga kababayan natin, ang patuloy na naniniwala sa mga albularyo’t manghihilot lalo na sa mga probinsiya. Marami ang nagpapatotoo na sila’y nakapagpapagaling ng mga karamdaman. Bagamat di natin masasagot ng tahasan ang mga katanungan tungkol dito, huwag naman nating kalimutan na mas mahalaga ang pananampalataya ng taong maysakit at nagpapagamot, sa kanyang tuluyang paggaling. Kung buo ang kanyang loob na siya’y gagaling sa tulong ng Panginoong Diyos, at di siya nawawalan ng pag-asa na mangyayari ito – tiyak na siya’y gagaling. Pero kahit na nga nagsusumamo siya sa Diyos na pagalingin, mahalaga ang kalooban o sariling pagpapasiya ng tao – ang pagiging bukas na tanggapin kung ano man ang magiging desisyon ng Diyos. Tunay na nakakatulong sa pagpanumbalik ng kalusugan ang lubos na pagtitiwala sa Diyos, na siyang ating Dakilang Manggagamot. Kumikilos Siya sa pamamagitan ng mga manggagamot – doctor man, albularyo, hilot o healing priests. Sa tuwing sila’y nagpapagaling, madalas nilang sinasabi na hindi talaga sila ang nagpapagaling, kundi ang Diyos. At pawang kasangkapan lamang sila ng Diyos sa gawaing magpagaling. Totoo naman! Dahil gaano man sila kagaling, hindi pa rin nila kayang pahabain ang buhay ng tao kung hindi ito pahihintulutan ng Diyos. Kaya habang nagtitiwala tayo sa kakayahan ng mga manggagamot – higit tayong magtiwala sa Diyos na Siyang tunay na nagpapagaling! Hawak Niya ang ating buhay at pag-iral sa mundo.