Daughters of Saint Paul

MARSO 24, 2018 SABADO SA IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA

JUAN 11:45-56

Marami sa mga Judiong sumama kay Maria at nakasaksi sa ginawa ni Jesus ang naniwala sa kanya. Pumunta naman ang ilan sa kanila sa mga Pariseo at sinabi sa kanila ang mga ginawa niya. Kaya tinipon ng mga Punong-pari at ng mga Pariseo ang Mataas na Sanggunian na Sanhedrin, at sinabi: “Ano ba'ng gagawin natin? Marami siyang mga ginagawang tanda. Kung pababayaan natin siyang paganito, mananalig sa kanya ang lahat at darating ang mga Romano at aalisin  maging ang ating banal na lugar at ang ating bansa.” At isa sa kanila, si Caifas, na Punong-pari sa taong iyon, ang nagwika: “Wala kayong kaalam-alam. Hindi n'yo naiintindihan na makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa bayan, upang hindi mapahamak ang buong bansa.” Hindi sa ganang sarili niya sinabi ang mga salitang ito, kundi sa pagiging Punong-pari niya sa taong iyon, sinabi niya ang propesiyang ito: dapat ngang mamatay si Jesus alang-alang sa bansa, at hindi lamang alang-alang sa bansa kundi upang tipunin pati ang mga nakakalat na anak ng diyos upang maging isa. Kaya mula sa araw na iyon, pinagpasyahan nilang patayin siya. Kaya hindi na tahasang naglakad si Jesus sa lugar ng mga Judio kundi umalis siya mula roon patungo sa lupaing malapit sa ilang, sa isang lunsod na Efraim ang tawag, at doon siya nanatili kasama ng mga alagad.  Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon ang marami pa-Jerusalem mula sa lalawigan bago mag-Paskuwa upang malinis ang sarili. Kaya hinanap nila si Jesus at nang nasa Templo sila, sinabi nila sa isa't isa: “Ano sa palagay ninyo? Paririto kaya siya sa piyesta?”

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, napapanahon ang paalala ni Mary Boys sa kanyang sinulat na sanaysay na pinamagatang A More Faithful Portrait of Judaism:  an Imperative for Christian Educators.  Ayon sa kanya, “binabasa ng Iglesya ang Pasyon ni Jesu-Kristo upang alalahanin ang kalawakan ng Kanyang pagmamahal… hindi upang sisihin ang sinuman sa Kanyang kamatayan.”  Si Caifas, ang Sanhedrin, si Pilato at ang mga Judio – mga pangunahing tauhan sa Pasyon ni Kristo.  Pero ang Dakilang Direktor at Prodyuser kung baga sa pelikula, walang iba kundi ang Diyos.  Siya rin ang sumulat ng “script”.  Sa Dakilang Kuwentong ito, tulad ng sinasabi ng Ebanghelyo, hindi lamang isang bayan kundi ang buong sangkatauhan ang naligtas sa paghihirap at pagkamatay ni Jesus.  Hindi lamang naitutuwid ng Diyos ang baluktot kundi tunay na naghahari Siya at nakapangyayari laban sa mga taong baluktot.  Kung napagtagumpayan ng Diyos ang pinakamalaking pagkakamali ng tao sa buong kasaysayan (ang patayin ang Kanyang Anak) walang hindi mapagtatagumpayan ang makapangyarihan at mapagligtas na Diyos.  Mga kapanalig, kung sa mga oras na ito alipin pa rin tayo ng kasalanan, huwag tayong mawawalan ng pag-asa dahil kayang ituwid ng Diyos ang ating mga pagkakamali kung gugustuhin natin.  Lumapit tayo sa Kanya nang buong pagsisisi, aminin ang kasalanan at hilingin ang biyayang maiwasan ang pagkakasala sa hinaharap.  Ngayong sisimulan na natin ang Mahal na Araw, lumapit tayo sa Sakramento ng kumpisal, buong pusong pagsisihan ang kasalanan at manumbalik sa grasya ng Diyos.