MARCOS 11:1-10 o (Jn 12:12-16)
Malapit na sila sa Jerusalem, at pagdating nila sa Betfage at Betania sa may Bundok ng mga Olibo, inutusan ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad: “Pumunta kayo sa kabilang ibayo at may makikita kayo roon isang asnong nakatali na di pa nasasakyan ninuman. Kalagan ito at dalhin sa akin. Kung may magtanong sa inyo, ‘Ano ang ginagawa ninyo?’ sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon pero ibabalik din kaagad’.” Umalis sila st nakita ang asnong nakatali sa labas ng pintuan at kinalagan nila ito. At sinabi sa kanila ng ilang naroroon: “Bakit ninyo kinalagan ang asno?” Isinagot nila ang sinabi ni Jesus, at pinabayaan sila ng mga tao. Kaya dinala nila ang asno kay Jesus at isinapn dito ang kanilang mga balabal; at naupo rito si Jesus. Marami naman ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan at may iba pang naglatag ng mga sangang pinutol nila sa bukid. Sumisigaw ang mga taong nangunguna at sumusunod sa kanya; “Hosanna! Mapalad ang dumarating sa Ngalan ng Panginoon!” Mapalad ang dumarating na Kaharian ng ating ninunong si David! Hosanna, luwalhati sa Kaitaasan!”
PAGNINILAY:
Sa pagpasok natin sa Linggo ng Pasyon ni Kristo, ang kababaang-loob at kapayapaang taglay ng pangakong Mesiyas ang mangingibabaw. Ituturo Niya ang daan ng tunay na paglilingkod na nakaugat sa kababaang-loob sa Huling Hapunan. Haharapin ang takot at pangamba sa napipintong pagdurusa. Tatanggapin Niya ang pagkakanulo at pagtakas ng Kanyang mga kaibigan. Titiisin Niya ang hirap at sakit ng parusa para sa isang kriminal. Palalampasin Niya ang panunuya at mga patutsada ng mga nag-aakalang tama lang ang nangyayari sa Kanya. Buong tapang at pagmamahal Niyang iaalay ang sarili sa Ama bilang kabayaran sa kasalanan ng mga makasalanan. Magpapatawad Siya mula sa krus sa bingit ng kamatayan. Siya na tunay na Diyos sa mula’t mula pa, patuloy na magbibigay ng sarili para maging tulay ng mas malalim na pagtitipan ng Diyos at sangkatauhan. Panginoong Jesus, maraming salamat po sa patuloy Mong pagbibigay ng Iyong sarili para sa katubusan ng makasalanang mundong patuloy na tumatalikod at tumatakwil Sa’yo. Salamat po Sa’yong wagas at walang-hanggang pagmamahal… sa hindi pagsuko sa isang makasalanang katulad ko. Ituro Mo po sa akin ang daan ng kababaang-loob at tunay na pagbabago, at tulungang mapagsisihan ang kasalanan at makapagbalik-loob Sa’yo. Amen.