Daughters of Saint Paul

MARSO 29, 2018 HUWEBES SANTO

JUAN 13:1-15

Bago magpiyesta ng Paskuwa, alam ni Jesus na dumating na ang kanyang oras para tumawid sa mundong ito patungo sa Ama, at siya na nagmahal sa mga sariling kanya na nasa mundo, minahal niya sila hanggang sa katapusan. Naghahapunan sila at naipasok na ng diyablo sa isip ni Judas na anak ni Simon Iskariote, na ipagkanulo siya. Alam ni Jesus na ipinagkaloob ng Ama sa kanyang kamay ang lahat, at mula sa Diyos siya galing at sa Diyos siya pabalik. Kaya tumindig siya mula sa hapunan at hinubad ang tunika, at pagkakuha ng tuwalya ay ibinigkis sa sarili. Pagkatapos ay nagbuhos siya ng tubig sa hugasan, at nagpasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Kaya nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, kinuha niya ang kanyang tunika, bumalik sa hapag at nagsalita sa kanila: “Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Kayo'y tumatawag sa aking 'Guro' at 'Panginoon.' Tama ang pagsasabi ninyo, dahil ako nga. Kaya kung hinugasan ko ang inyong mga paa, ako na siyang Panginoon at siyang Guro, gayundin naman kayo dapat maghugasan ng mga paa ng isa't isa.” “Isang halimbawa ang ibinigay ko sa inyo upang gawin  ninyo gaya ng ginawa ko sa inyo.”

PAGNINILAY:

Ibinahagi ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay ngayon.  Narinig natin sa ebanghelyo na hinugasan ni Jesus ang mga paa ng mga apostol. Kagulat-gulat at isang malaking iskandalo ang ginawa niya. Mga alipin lang ang naghuhugas ng paa ng mga bisita. Sandalyas lang ang suot ng mga tao noon, hindi sapatos. Kaya’t makalipas ang isang araw na paglalakad sa maalikabok na daan, marumi at maputik ang kanilang mga paa. Kaya naman hindi nakapagtataka na tumanggi si Pedro. Bakit ba ginawa ito ng Panginoon? Sabi sa ebanghelyo: “Alam ni Jesus na dumating na ang kanyang oras.” Napagtanto ni Jesus na malapit na siyang mamatay. Nais niyang ipakita ang lalim ng kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng paghuhugas ng paa ng mga alagad. Tanging sa paglilingkod lamang natin sa iba maipahahayag ang tunay na pag-ibig. Pero hindi ito naintindihan ni Pedro. Oo, kailangan nating aminin ang ating mga kasalanan at humingi ng tawad. Kapanalig, kung hindi ka pa nakapagkumpisal, gawin mo na ito. Naroon si Jesus, naghihintay siya sa iyo. Handa siyang hugasan ang ating mga paa at patawarin tayo. Tanging ang pagtanggap natin sa mapagkalingang pagmamahal na ito ang magpapalaya sa atin upang hugasan ang paa ng ating kapwa at magmahal gaya ng iniutos niya.  Kapanalig, kaninong mga paa ang inaanyayahan ni Jesus na hugasan mo ngayong Semana Santa?