MARCOS 16:1-17
Pagkatapos ng Araw ng Pahinga, si Maria Magdalena at si Mariang ina ni Jaime, at si Salome ay bumili ng mga pabango para pumunta at pahiran si Jesus. At dumating sila sa libingan kinaumagahan ng unang araw ng sanlinggo. Pinag-usapan nila: “Sino ang magpapagulong at mag-aalis sa malaking bato sa bukana ng libingan?” Ngunit pagtingin nila’y nakita nilang naiguong na ang bato – napakalaki nga niyon. Kaya pumasok sila sa libingan at nakita nila ang isang binatang nakauti na nakaupo sa kanan, at taking-taka sila. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong matakot. Di ba’t si Jesus na taga-Nazaret, ang ipinako sa krus, ang hinahanap ninyo? Binuhay siya at wala siya rito. Hayan ang lugar kung saan siya inilagay. Ngunit humayo kayo at sabihin sa mga alagad niya at pati kay Pedro na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya matatagpuan gaya ng sinabi niya sa inyo.” Agad silang lumabas at tumakas mula sa libingan. Inalihan sila ng takot at sindak at wala silang sinabi kaninuman. Takot na takot nga sila. Pagkabuhay ni Jesus sa unang araw ng sanlinggo, una siyang nagpakita kay Maria Magdalena na mula rito’y pitong demonyo ang pinalayas niya. Umalis ito at nagbalita sa mga kasama ni Jesus na noo’y umiiyak at naguluksa. Ngunit hindi sila naniwala sa kanya nang marinig nilang buhay si Jesus at nagpakita sa kanya. Pagkatapos nito, nagpakita naman si Jesus sa ibang anyo sa dalawa sa kanila habang papunta sila sa labas ng bayan. At pagbalik nila, ibinalita rin nila ito sa iba pa pero hindi rin naniwala ang mga ito sa kanila. Sa dakong huli, nang nasa hapag ang Labing-isa, napakita sa kanila si Jesus at pinagsabihan sila dahil dahil sa kawalang-paniwala nila at katigasan ng puso: hindi nga nila pinaniniwalaan ang mga nakakita sa kanya matapos siyang buhayin. At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman and di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika.
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, naranasan na natin na tayo’y halos walang pag-asa. Hindi natin mawari kung saan kukuha ng kakainin para bukas, pangmatrikula ng mga anak, pampagamot sa ating mga sakit, pangungulila sa ating mga minamahal o di kaya, yung para sa ating mga pang araw-araw na pangangailangan. Minsan, tingin natin, hindi patas at hindi makatarungan ang buhay. Sa araw na ito, balikan rin natin ang mga panahong nalampasan natin ang mga suliranin at pagsubok ng hindi natin namamalayan. Na dumarating ang mga sagot sa ating mga dasal nang hindi natin inaasahan. Ganyan din marahil ang panalangin ng mga babaeng nagtungo sa libingan ni Hesus. Dumalaw sila upang pahiran ng langis ang katawan ni Hesus. Nangahas silang magtungo sa libingan upang dalawin ang taong nagbigay sa kanila ng pag-asa, sa kabila ng panganib na sila’y madakip at maparusahan. Sumugal sila sa Diyos! Tayo rin mga kapanalig, sumugal tayo sa Diyos dahil yun lamang ang pagsugal na siguradong panalo tayo! Itaas natin ang ating mga intindihin sa Kanya. Tandaan nating nagtagumpay Siya laban sa katamayan na simbolo ng pagtatapos ng lahat. Pero para kay Hesus, hindi sa kamatayan natapos ang lahat, kundi ang kamatayan, pansamantala lamang at tulay sa panibagong buhay. Sa araw na ito, balikan natin ang mga aral ng ating mga ‘pagkamatay’ at damhin natin ang pag-asa na ibinibigay sa atin ng Diyos! Hindi katapusan ng buhay ang paghihirap at pagdurusa! Dumaan man tayo sa matinding unos, lilipas rin ito at sisikat ang bagong umaga. At ang mga buhay na inilalaan at iniaalay sa Diyos, tunay ngang tumatamasa ng tunay na galak at ligaya. Panginoon, salamat po sa alay Ninyong bagong buhay. Patuloy nawa kaming na tumahak sa buhay na Iyong bigay. Amen.