LUCAS 24:35-48
Isinalaysay ng dalawang alagad ang nangyari sa daan at kung paano nila siya nakilala sa pagpipiraso ng tinapay. Habang pinag-uusapan nila ang mga ito, tumayo siya mismo sa gitna nila (at sinabi sa kanila: “Huwag kayong matakot, sumainyo ang kapayapaan!”). Nagulat nga sila at natakot, at akala’y nakakakita sila ng kung anong espiritu. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Bakit kayo naliligalig at pumapasok ang alinlangan sa inyong isipan? “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, ako nga siya. Hipuin ninyo ako at unawain ninyo na walang laman at mga buto ang isang espiritu, at nakikita ninyo na meron ako.” (Matapos masabi ito, ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at paa.) Hindi sila makapaniwala sa labis na galak at nagtataka pa rin kaya sinabi niya sa kanila: “May makakain ba kayo rito?” At binigyan nila siya ng isang pirasong inihaw na isda (at pulot-pukyutan). Kinuha niya iyon at kumain sa harap nila. Sinabi niya sa kanila: “Sinabi ko na sa inyo ang mga ito nang kasama ninyo ako: kailangang matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Batas ni Moises, Mga Propeta at Mga Salmo.” At binuksan niya ang kanilang isipan para maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesiyas at pagkamatay niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan niya ipahahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan—sa Jerusalem kayo magsisimula. Kayo ang magiging mga saksi sa mga ito.”
PAGNINILAY:
Sa paaralan sa kasalukuyan, kailangan ng isang matalino, matiyaga at malikhaing guro para ang mga konsepto o kaisipang mahirap maunawaan, lubusang maintindihan, matandaan at mailapat ng mga estudyante sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Sa panahon ni Jesus, kailangan ding maipaliwanag niya sa mga alagad sa simple pero epektibong paraan, na bahagi ng pagliligtas niya sa mga tao sa kasalanan, ang kanyang pagdurusa sa krus, pagkamatay at muling pagkabuhay. Sinabi na niya ito sa kanila noon sa panahon ng kanyang pangangaral. Pero ngayong pare-pareho silang takot, ligalig at lubos na nalulungkot sa kanyang pagkamatay, kailangang may ebidensya siya para huwag silang malito at maging mga tunay na saksi. Paano niya ito ginawa? Nagpahipo siya at ipinakita ang kanyang mga kamay at paa na may bakas pa ng mga sugat. Kumain rin siya ng inihaw na isda at pulot-pukyutan na hindi maaaring magawa ng isang multo o espirito. At matiyaga niyang muling ipinaliwanag ang mga Kasulatan – ang Batas ni Moises, pahayag ng mga propeta at Salmo. Tunay ngang, Diyos si Jesus na nagkatawang-tao. Guro ng mga Guro! At higit sa lahat, ating Kapatid! (Kayang-kaya niyang payapain ang ating takot at ligalig na puso. Akayin tayo sa liwanag ng katotohanan. Pakilusin para sa pagpapalaganap ng kanyang kaharian dito sa lupa. At higit sa lahat, gawing mabisang kasangkapan sa pagpapaabot ng kanyang pagmamahal sa mga taong nakakahalubilo natin sa araw -araw sa kabila ng ating mga kasalanan, kahinaan at mga pagkukulang!) O, mahal na puso ni Hesus, maraming salamat!