Daughters of Saint Paul

ABRIL 6, 2018 BIYERNES SA OKTABA NG PASKO NG PAGKABUHAY

JUAN 21:1-14

Muling ibinunyag ni Jesus ang kanyang sarili sa mga alagad sa may Lawa ng Tiberias. Ibinunyag niya nang paganito. Magkakasamang naroon sina Simon Pedro, Tomas…at dalawa pa sa mga alagad niya. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro: “Aalis ako para mangisda.” Nang madaling-araw na, nakatayo si Jesus sa dalampasigan pero hindi nakilala ng mga alagad na si Jesus iyon. Tinatawag sila ni Jesus: “Mga bata, wala ba kayong isda?” Sumagot sila sa kanya: “Wala!” Sinabi naman niya sa kanila: “Ihulog n’yo sa bandang kanan ng bangka ang lambat at makakatagpo kayo.” Kaya inihulog nga nila at hindi na nila makayanang hilahin iyon dahil sa dami ng isda. Kaya nang makalunsad sa lupa, nakita nilang may nagbabagang uling doon, na kinaihawan ng isda at may tinapay. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Magdala kayo mula sa mga isda na nahuli n’yo ngayon.” Kaya lumulan si Simon Pedro at hinila ang lambat tungo sa pampang, gayong puno iyon ng sandaa’t limampu’t tatlong malalaking isda. Bagamat napakarami noon, hindi napunit ang lambat. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo’t mag-almusal!” Wala namang makapangahas sa mga alagad na mag-usisa sa kanya: “Kayo ba’y sino?” dahil alam nilang ang Panginoon iyon. Lumapit si Jesus at kumuha ng tinapay at ipinamahagi sa kanila. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Ito na ang ikatlong pagpapahayag ni Jesus sa mga alagad matapos siyang ibangon mula sa mga patay.

PAGNINILAY:

Sinasabi na sa pamamagitan lamang ng pag-uulit higit na makikilala o maiintindihan ang anumang mahalagang bagay.  Ganito ang ginawa ni Jesus sa kanyang mga alagad para makilala siya pagkaraan ng kanyang muling pagkabuhay.  Sa ikalawang pagkakataon, sa may lawa ng Tiberias, inutusan niya ang mga alagad na walang nahuling isda na muling ihulog ang lambat. At tunay nga, napakarami nilang nahuli. “Kaya sinabi kay Pedro ng alagad na iyon na mahal ni Jesus, ‘Ang Panginoon siya!’”  Napatibayan na sa pamamagitan at tulong ni Jesus, lahat, posibleng maganap.  Sa ikalawang pagkakataon rin, nakilala ng mga alagad si Jesus dahil sa kanyang kababaang-loob at paglilingkod sa kapwa. Noong una, sa paghuhugas sa kanilang mga paa; at ngayon, sa pagluluto at paghahanda ng kanilang almusal.  Isang pagsasalu-salo ang hangad ni Jesus: noon, tinapay at isda, at ngayoý tinapay at alak sa eukaristiya, bilang paggunita sa kanyang katawan at dugo na inialay para sa ating kaligtasan.  (May mga teologong nagsasabi na hindi binigyan ng pangalan ang alagad na laging unang nakakakilala kay Jesus (sa libingan noon at ngayoý sa lawa) dahil pwede siyang kumatawan sa bawat isa sa atin. Lalong lalalim ang pagkakilala natin kay Jesus sa patuloy na pagbabasa ng Bibliya at sa pagsasabuhay ng mga aral niya sa atin sa bawat araw.)  Manalangin tayo. O Hesus, ikaw ang aming liwanag at tanglaw. Sa mga pagsubok at paghihirap, alam naming di mo kami iiwan, Amen.