JUAN 20:19-31
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan!” Pagkasabi niya nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Sumainyo ang kapayapaan!” Gaya ng pagkakasugo sa akin ng Ama, gayon ko rin kayo ipinadadala.” At pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatilihin naman sa sinuman ang inyong panatilihin.” Isa sa Labindalawa si Tomas na tinaguriang Kambal. Hindi nila siya kasama nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Sumagot naman siya: “Maliban lamang na makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako at maipasok ko ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!” Makaraan ang walong araw, muli na namang nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna sa kanila. At sinabi niya: “Sumainyo ang kapayapaan!” At sinabi niya kay Tomas: “Dalhin mo ang daliri mo rito at tingnan ang aking mga kamay. Ipasok mo ang iyong daliri sa aking tagiliran at huwag kang tumangging maniwala kundi maniwala!” Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko—ikaw!” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”
PAGNINILAY:
Sa ating pagbasa ngayon, isinalaysay ang dalawang beses na pagpapakita ni Jesus sa mga alagad. Noong una, nagkaloob siya ng kapayapaan para maglaho ang kanilang lungkot, takot at pag-aalinlangan. Iginawad din niya ang Espiritu Santo para mapatawad sa kanilang kasalanan at magkaroon din ng kapangyarihang magpatawad sa iba. Patuloy siya sa matiyagang paghahanda sa kanila para sa misyong iniaatas niya. Sa ikalawang pagpapakita, isinalaysay ang paanyaya kay Tomas na palalimin pa ang kanyang pananalig: Ipinakita niya ang mga sugat sa kamay at tagiliran. Pero, hindi na ito kailangang mahipo pa ni Tomas dahil lubos na ang pagtanggap niya kay Jesus bilang “Panginoon ko at Diyos ko!” Pinakamahalaga ang huling pahayag na tumutukoy sa mahabang henerasyon ng mga mananampalataya na kinabibilangan nating lahat, “Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.” O, mahal na Ama, dahil sa iyong awa at habag, iniligtas mo kami sa kasalanan sa pamamagitan ng Iyong bugtong na anak. Dagdagan mo po ang aming pananampalataya upang kailanman ay huwag malayo sa iyo, Amen.