Juan 6:44-51
Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Walang puwedeng lumapit sa akin kung hindi siya ihahatid ng Amang nagsugo sa akin. At ako ang magbabangon sa kanya sa huling araw. Nasusulat sa Mga Propeta: ‘tuturuan nga silang lahat ng Diyos.’ Kaya ang bawat nakikinig sa Ama at natututo ay lumalapit sa akin. “Wala ngang nakakita sa Ama liban sa kanya na galing sa Diyos; siya ang nakakita sa Diyos. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, may buhay na walang-hanggan ang naniniwala sa akin. “Ako ang tinapay ng buhay. Kumain nga ng manna sa ilang ang inyong mga ninuno at nangamatay pa rin. Narito naman ang tinapay na pumapanaog mula sa Langit, upang huwag mamatay ang kumain nito. Ako ang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.”
PAGNINILAY:
Sino ba namang Panginoon ang mag-aalay ng kanyang sarili bilang kaligtasan ng kanyang nasasakupan? Wala na ngang makakapantay sa dakilang pagmamahal ng Panginoong Jesus sa atin. Kung sakaling nakakalimot tayo, nagpapaalala Siya. Kung malalim na ang ating pananampalataya, nandito pa rin Siya para pag-alabin ang ating kalooban sa Kanya. Tulad sa naganap sa Kapital ng Ferrara, sa isang maliit na simbahan na nasa tabing ilog. Misa noon ng Pasko ng Pagkabuhay noong ikadalawampu’t walo ng Marso, 1171. Nagkonselebrasyon noon sina Fr. Pietro de Varona, Fr. Bono, Fr. Aimone, at si Fr. Leonardo. Mga pari sila na kasapi sa Orden ng Canon Regular Portuinsi. Nang hatiin ni Fr. De Varona ang Banal na Ostiya, biglang pumulandit ang masaganang dugo na umabot sa marmol na arko ng altar. At dahan-dahang nagbagong kulay ang Ostiya at naging tunay na laman. Nanggilalas sila sa nasaksihan nila. Nang ibinalita nila kay Bishop Amato ng Ferrara at kay Archbishop Gerardo ng Ravenna, madali silang nagpunta sa himala at nasaksihan nilang totoo. Marami ang nakaalam at nakasaksi na totoo ngang Katawan at Dugo ng Panginoong Jesus ang nakita nila. Pati na ang mga dalubhasang doctor at mga Cardinal tulad nina Cardinal Migliorati at si Cardinal Niccolo Fieche. Pati na ang dating Papa Pio 1X. Binago ang dating maliit na simbahan at ginawang Basilika. Nakadambana doon ang arkong marmol na tigmak ng dugo at ang Ostiyang naging tunay na laman ng ating Panginoon. May ginawa pa nga silang hagdanan sa likuran ng altar para daanan ng mga dumadayo para sambahin ang Laman ng ating Panginoon. Ilan lang ito sa himalang nagaganap noon at ngayon tungkol sa pagpapatunay ng ating Panginoon na Siya ang tunay nating pagkain. Ang lakas at kaligtasan ng ating kaluluwa.