Daughters of Saint Paul

Abril 21, 2018 Sabado sa Ika-3 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

Juan 6:60-69

Sinabi ng mga alagad ni Jesus: “Mabigat ang salitang ito. Sino ang makakarinig sa kanya?” Alam naman ni Jesus sa loob niya na nagbubulung-bulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: “Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? Ano kaya kung masaksihan ninyo ang Anak ng Taong umaakyat sa dati niyang kinaroroonan…? Ang espiritu ang nagbibigay-buhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko ay espiritu kaya buhay. Datapwat ilan sa inyo ang hindi naniniwala.” Sapagkat alam ni Jesus mula sa simula kung sino ang mga di maniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya. At dinugtong niya: “Dahil dito kaya ko sinabi sa inyo na walang puwedeng lumapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama.” Kaya marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sa pagsama sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa Labindalawa: “Gusto ba rin ninyong umalis?” Sumagot sa kanya si Simon Pedro: “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay na walang hanggan ang iyong salita. Naniwala nga kami at nakilala namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”

PAGNINILAY:

Kung tutuusin, hindi naman talaga madaling tanggapin ang mga sinasabi ni Jesus tungkol sa Katawan at Dugo Niyang kailangang kainin at inumin.   Maging ang mga masigasig na sumunod sa Kanya saan man Siya magpunta, nalito at nagtanong:  “Mabigat ang salitang ito.  Sino ang makakarinig sa Kanya?”  Sabagay, mahirap na ngang maunawaan ang pagkakatawang-tao ng Diyos, daragdagan pa ng palaisipang “pagkain ng laman at pag-inom ng dugo ni Jesus.”  Kaya di nakapagtatakang minabuti pa ng maraming tagasunod Niya na bumalik na lang sa tradisyon ng kanilang mga ninuno.  Mas madali nga namang maging banal, kung susunod lang sa mga Batas at alituntunin ang kailangang gawin.  Mabuti na lang, at buo ang paniniwala ni Pedro at iba pang mga alagad sa katotohanan ng salita ng Panginoon.  Hindi man ganap pa ang kanilang pagkaunawa, handa naman silang lumago pa sa pananampalataya.  Kung tutuusin nga naman, mga salita ng buhay na walang hanggan ang binabanggit ni Jesus.  Mga kapanalig, sa takbo ng pag-iisip nating mga tao, may mga pagkakataong tinuturing natin, na tila wala nga sa katuwiran ang mga turo ni Jesus.  Biruin mo, “mahalin ang kaaway,” “mapalad ang mga dukha,” “ipagdasal ang mga umuusig sa’yo,” “magpatawad ng pitumpu’t-pitong ulit.”  Sa mata ng tao, talo tayo kapag sinabuhay natin ito.  Pero sa mata ng Diyos, tayo ang pinakadakila at kahanga-hanga kapag natupad natin ang mga utos na ito.  Dahil ito ang malinaw na tanda ng pagiging isang tunay na anak ng Diyos at Kristyano.  Pero di natin ito kayang gawin kung aasa lang tayo sa ating sariling kakayahan.  Kailangan natin ang tulong at lakas na nagmumula sa Banal na Espiritu para magawa natin ito.