Daughters of Saint Paul

Abril 26, 2018 Huwebes sa Ika-4 na Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay

JUAN 13:16-20

Sinabi ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, walang aliping mas dakila sa panginoon niya, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya. Kung nauunawaan ninyo ito, mapalad kayo kung isasagawa ninyo ang mga ito. “Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko. Kilala ko ang mga hinirang ko. Ngunit kailangang maganap ang kasulatan: ‘Ang nakikisalo sa aking pagkain ay nagpakana laban sa akin.’ Sinsabi ko na ito ngayon sa inyo bago pa mangyari upang manalig kayo na Ako Nga kapag ito ay nangyari.  “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: ang tumatanggap sa ipinadadala ko ay sa akin tumatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa Amang nagpadala sa akin.”

PAGNINILAY:

Talagang-talagang sinasabi ko sainyo, walang aliping, mas dakila sa Panginoon niya, ni walang sinugong mas dakila sa nagpadala sa kanya.”  Ang sinabing ito ni Jesus, sumasagisag sa Kanyang misyon, bilang sinugo ng Ama para sa ating kaligtasan.  Buong kababaang-loob Niyang itinuring ang sarili bilang alipin na nagsasagawa lamang ng kalooban ng Ama.  Sa panahon natin ngayon ang mga misyonero ang itinalaga ng Panginoong Jesus na mangalaga ng Kanyang kawan at magpatuloy ng Kanyang gawaing magturo at isiwalat sa sangkatauhan ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan.  Si San Pablo Apostol ang isa sa mga misyonerong masigasig na nangaral ng Salita ng Diyos na buhay at makapangyarihan. Mula sa pagiging taga-usig ng Kristiyano binago siya ng ating Panginoong Jesus upang ipangaral ang Mabuting Balita ng ating kaligtasan sa mga Hentil.  Kabilang tayo sa mga hentil o paganong nabibiyaan ng pananampalatayang Kristiyanismo dahil sa pangangaral ni San Pablo Apostol.  Utang natin sa kanya ang ating pananampalataya sa Panginoong Jesus na nagpakasakit, namatay at muling nabuhay para sa ating kaligtasan.  Bilang mga binyagang Kristiyano, tayo din, mga misyonerong inatasan ng Panginoong ipadama sa kapwa ang Kanyang walang-hanggang pagkalinga’t pagmamahal, lalo na sa higit na nangangailangan.  Kung biniyayaan tayo ng Panginoon ng maalwang buhay, mamuhay tayo sa pasasalamat at maging daluyan ng biyaya sa mga kapuspalad.  Kung tayo’y pinatawad ng Diyos sa ating mga kasalanan at binigyan ng panibagong pagkakataon para magsisi, ganun din ang gawin natin sa kapwang nagkasala sa atin.  Maraming paraan para maging misyonero ng Panginoon sa kasalukuyang panahon.  Kapanalig, nakahanda ka bang gamitin ng Panginoon ayon sa Kanyang layunin?  Panginoon, marapatin Mo pong makatugon ako sa hamong maging misyonero sa kasalukuyang mundo, sa paraan ng aking pamumuhay.  Amen.