JUAN 17:1-11a
Tumingala si Jesus sa Langit at nagsalita: “Ama, sumapit na ang oras. Luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang makaluwalhati sa iyo ang Anak; ipinagkaloob mo nga sa kanya ang kapangyarihan sa bawat tao at gusto mong pagkalooban niya ng walang hanggang buhay ang lahat ng bigay mo sa kanya. Ito naman ang buhay na walang hanggan: ang kilanlin ka, ang tanging totoong Diyos at ang sinugo mong si Jesucristo. “Niluwalhati kita sa lupa, ginanap ko ang trabahong ipinagawa mo sa akin. At ngayon, luwalhatiin mo ako, Ama, at ibigay sa akin na katabi mo ang luwalhating akin sa tabi mo bago pa man nagkaroon ang mundo. “Ipinahayag ko ang pangalan mo sa mga taong kinuha mo sa mundo at ipinagkaloob sa akin. Iyo sila at sa akin mo sila ipinagkaloob, at tinupad nila ang iyong salita. At nakilala na nila na sa iyo galing ang lahat ng ipinagkaloob mo sa akin. Talaga, ipinagkaloob ko sa kanila ang mga salitang ipinagkaloob mo sa akin, at tinanggap nila at kinilalang tunay na sa iyo ako galing, at naniwala sila na ikaw ang nagsugo sa akin. “Ipinagdarasal ko sila. Hindi ang mundo ang ipinagdarasal ko kundi ang mga ipinagkaloob mo sa akin dahil iyo sila. Iyo ang lahat sa akin, at akin din naman ang iyo, at naluwalhati ako sa kanila. Wala na ako sa mundo, ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa Ngalan mo na ipinagkaloob mo sa akin, upang maging isa sila gaya natin.”
PAGNINILAY:
"Ipinagdarasal ko sila… Amang banal, ingatan mo sila sa Ngalan mo na pinagkaloob mo sa akin, upang maging isa sila gaya natin." Mula pa rin sa panulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo. Piyesta ngayon ni San Isidro Labrador. Noong bata ako, akala ko apelyido ni San Isidro ang labrador. Hindi pala. Ang ibig sabihin pala noon ay magsasaka. Maraming bayan dito sa Pilipinas ang may debosyon kay San Isidro, lalo na sa mga probinsiyang nagsasaka ng palay. Isang magandang halimbawa ang buhay ni San Isidro sa katotohanang kahit na sino, maaaring maging banal. Nagpapatotoo siya sa dignidad ng pagtatrabaho at sa realidad na ang simpleng buhay, maaaring maghatid sa kabanalan. Ipinakikita ni San Isidro na kung bibigyan natin ng pansin ang buhay-espiritwal, ang pakikiisa sa Diyos sa panalangin at mga Sakramento, hindi niya tayo pababayaan. Bagkus, magagawa pa natin ang lahat ng ating responsibilidad. Ang Panginoong Jesucristo mismo ang nagdarasal para sa atin: "Ipinagdarasal ko sila… Amang banal, ingatan mo sila sa Ngalan mo na pinagkaloob mo sa akin, upang maging isa sila gaya natin." San Isidro Labrador, ingatan mo kami.