Daughters of Saint Paul

Mayo 16, 2018 Miyerkules sa Ika-7 Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay / San Juan Nepomuceno

JUAN 17:11-19

Tumingala si Jesus sa Langit at nagsabi: “Wala na ako sa mundo, ngunit nasa mundo pa sila habang papunta ako sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa Ngalan mo na ipinagkaloob mo sa akin, upang maging isa sila gaya natin. “Nang kasama nila ako, iningatan ko sila sa Ngalan mo at pinangalagaan ko sila at wala sa kanilang napahamak maliban sa nagpahamak sa kanyang sarili; marapat ngang maganap ang Kasulatan. At ngayon, bago ako pumunta sa iyo, sinasabi ko ito sa mundo upang malubos sa kanila ang aking galak. “Ipinagkaloob ko sa kanila ang iyong salita at napoot sa kanila ang mundo sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa mundo, kundi pangalagaan mo sila sa masama. “Hindi sa mundo sila galing, gaya nang hindi ako sa mundo galing. Pabanalin mo sila sa katotohanan. Ang wika mo ay katotohanan. Kagaya nang ako’y sinugo mo sa mundo, gayundin naman sinugo ko sila sa mundo. At alang-alang sa kanila’y pinababanal ko ang aking sarili, upang pati sila’y pabanalin sa katotohanan.”

PAGNINILAY:

Hindi pwedeng lisanin ng mga alagad ang mundo dahil isinusugo sila ni Jesus upang ipagpatuloy ang kanyang misyon para sa kaligtasan ng mundo. Kaya't hinihiling ni Jesus sa Ama na pangalagaan sila sa masama. Ang bawat isa sa atin, may misyon.  At pinangangalagaan tayo ng Ama mula sa masama, hanggang sa matupad natin iyon. Ganito ang makikita natin sa buhay ni Santa Josephine Bakhita.  Ipinanganak si Bakhita, na ang ibig sabihi’y 'pinagpala,' sa isang barrio ng Sudan, sa Africa. Dinukot at ipinagbili bilang alipin si Bakhita noong siyam na taon pa lang siya. Nagpasalin-salin siya sa malulupit na panginoon, dumanas ng pasakit, at inabuso nang masahol pa sa isang hayop. Nagbago lang ito nang ipagbili siya sa isang pamilyang Italyano na naging mabait sa kanya. Dinala siya sa Italya bilang katulong at tagapag-alaga ng bunsong anak na babae. Nang mag-aaral na ang bata, sinamahan siya ni Bakhita sa paaralan ng mga Canossian Sisters. Dito niya narinig, sa unang pagkakataon, ang Ebanghelyo ni Jesucristo. Nang nagpasya ang kanyang mga amo na bumalik sa Sudan, hindi siya sumama. Narinig niya ang tawag na ialay ang buo niyang buhay sa Panginoon bilang madre.  Simple lang ang mga naging gawain ni Sr. Bakhita: magluto, manahi, maging sakristan o taga-bukas ng pintuan. Pero para sa kanya, walang gawaing hindi mahalaga kung ito'y ginagampanan alang-alang sa Panginoon. Nakilala siya sa kanyang kabaitan, pananampalataya, katahimikan at kabanalan at namatay noong siya’y 78 taon na. Itinanghal na nag-iisang Santa ng Sudan si Josephine Bakhita noong Taon 2000.