MARCOS 10:13-16
May nagdala kay Jesus ng mga bata para hipuin niya sila. Ngunit pinagalitan ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila. At pagkakita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila: “Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag n'yo silang pigilan. Sa mga tulad nga nila ang Kaharian ng Diyos. Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi papasok sa Kaharian ng Diyos ang di tumatanggap dito gaya ng isang maliit na bata.” At pagkakalong sa kanila ni Jesus, ipinatong niya s kanila ang kanyang mga kamay para basbasan sila.
PAGNINILAY:
Bahagi ng buhay ni Jesus sa araw-araw ang magturo sa mga alagad, magpagaling sa libu-libong maysakit at makipagtagisan sa baradong isip ng mga Pariseo at pari. Kaya’t nakahinga siya nang maluwag nang makaharap ang mga batang walang anumang hinihiling at ang gusto lang ay makalapit, makipaglaro, humalik at yumakap sa kanya. At tunay nga, “… sa mgatulad nila ang Kaharian ng Diyos.” Noong bata pa ako, lagi akong isinasama ng Nanay ko sa pagsisimba, pagrorosaryo at sa paglakad niya nang paluhod mula sa pintuan hanggang sa harap ng altar ng Quiapo; sa pagsunod sa misa sa radyo para sa Ina ng Laging Saklolo pag Miyerkoles at sa Poong Jesus Nazareno pag Biyernes. Hanggang ngayoý parang naririnig ko pa ang malakas at taimtim niyang pag-awit ng Tantum Ergo. At iyon ang katekismong may pinakamabisa at panghabang-buhay na epekto sa akin. Sa gawa at hindi sa salita. Sa pagiging tunay na modelo at hindi lamang parang bangkang papel na lulubog sa mahinang simoy ng hangin. Ito ang pinakaepektibong paraan kung nais ng mga matanda na lumaking mabubuting tao ang mga batang ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos. Nahuhubog ang mga pagpapahalaga at konsepto ng tama at mali ng mga bata sa kanilang mga nararanasan, naririnig at napapanood sa paligid. Nasa mga matanda ang pananagutan para maging tulay sa paglapit ng mga bata sa Diyos. Manalangin tayo. O Jesus, sa pagbaba mo sa lupaý ipinakita mo sa amin ang halimbawa kung paano maging tunay na mabuting tao sa aming kapwa – dalisayin mo ang aming mga puso at isip upang sa tuwinaý makita namin ang ipinunla mong kabutihan sa bawat nilikha, Amen.