Daughters of Saint Paul

Mayo 28, 2018 Lunes sa Ika-8 Linggo ng Taon

MARCOS 10:17-27

Isang tao ang patakbong sumalubong kay Jesus at paluhod na nagtanong: “Mabuting guro, ano ang dapat kong gawin para magmana ng walang hanggang buhay?” Sumagot sa kanya si Jesus : “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. Alam mo ang mga utos:Huwag papatay… Sinabi sa kanya ng tao: Sinunod ko ang lahat ng ito mula pagkabata, ano pa ang kulang ko?” Kaya tinitigan siya ni Jesus at minahal siya at sinabi: “Isa ang kulang sa iyo. Umuwi ka at ipagbili ang lahat ng iyo at ibigay sa mga dukha… At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pinanghinaan ng loob ang tao sa salitang ito at umalis na malungkot sapagkat napakayaman niya. Kaya tumingin si Jesus sa paligid at sinabi sa kanyang mga alagad: “Napakahirap ngang pumasok sa Kaharian ng Diyos ang mga may kayamanan.” Takang-taka ang mga alagad dahil sa pananalitang ito. Kaya muling sinabi sa kanila ni Jesus: “Mga anak, napakahirap ang pumasok sa Kaharian ng Diyos! Oo, mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok ang isang mayaman sa Kaharian ng Diyos.” Lalo pang namangha ang mga alagad at nag-usap-usap: “Kung gayon, sino ang maliligtas?”Tinitigan sila ni Jesus at sinabi: “Imposible ito para sa tao pero hindi para sa Diyos; lahat ay posible para sa Diyos.”

PAGNINILAY:

Kakaiba sa mga taong karaniwang humihingi ng tulong kay Jesus ang lalaking kaharap niya ngayon – isa itong mabuting tao na sumusunod sa mga utos ng Diyos sapul pa sa pagkabata, mayaman, gwapo, matalino, walang kapansanan sa katawan, at may layuning magkamit ng buhay na walang hanggan – kaya nga, tinitigan siya at minahal ni Jesus. Pero, napakahirap ng utos niya: “Umuwi ka at ipagbili ang lahat sa iyo, at ibigay sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.”  Ito rin ang utos mo sa amin ngayon, O Jesus,  na maging lubos kaming malaya sa mga bagay na nakakagayuma sa daigdig at itutok lamang ang mga paningin sa pagsunod sa iyong mahal kalooban para sa amin, Amen.