Daughters of Saint Paul

Mayo 30, 2018 Miyerkules sa Ika-8 Linggo ng Taon

MARCOS 10:32-45

Sa paglakad ng mga alagad paahon sa Jerusalem, nanguna si Jesus at nagtaka sila. Natakot naman ang mga kasunod nila. Muli niyang isinama ang Labindalawa at habang nasa daan ay sinimulan niyang sabihin sa kanila ang mga sasapitin niya: “Tingnan ninyo, papunta na tayo sa Jerusalem. Doon ibibigay ang anak ng Tao sa mga Punong-pari at mga guro ng Batas na maghahatol sa kanya ng kamatayan. Kaya ibibigay nila siya sa mga pagano. Pagtatawanan nila iya, luluraan, hahagupitin at papatayin. Ngunit babangon siya pagkatapos ng tatlong araw.” Lumapit noon kay Jesus sina Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo, at sinabi sa kanya: “Guro, gusto sana naming gawin mo ang hihingin namin sa iyo.” At sinabi ni Jesus: “Ano ang gusto n'yong gawin ko?” Sumagot sila: “Ipagkalooob mo sa amin sa iyong kaluwalhatian na maupo ang isa sa amin sa kanan mo, at ang isa naman nasa kaliwa mo.” Sinabi ni Jesus: “Talagang hindi n'yo alam kung ano ang hinihingi n'yo. Maiinom n'yo ba ang kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin?” Sumagot sila: “Kaya namin.”Sumagot si Jesus: “Totoong iinum din kayo sa kopang iinumin ko at mabibinyagan sa binyag na ibibinyag sa akin. Ngunit wala sa akin ang pagpapupo sa aking kanan o kaliwa. Inihanda ito para sa iba.” Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila kina Jaime at Juan. Kay tinawag sila ni Jesus, at sinabi sa kanila: “Alam n'yo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Huwag namang ganito sa inyo:ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod n'yo, ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin n'yo.   “Gayundin naman , dumating ang Anak ng tao hindi para paglingkuran kundi maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami.”

PAGNINILAY:

Minsaý sinabi ni Mother Teresa ng Calcutta: “ Akoý isang maliit na lapis sa kamay ng Diyos na nagpapadala ng liham ng pag-ibig sa daigdig.”  Tayo kaya – saang bagay natin maaaring maitulad ang sarili kaugnay sa Diyos na ating sinasamba at pinaglilingkuran?  Mahal na Panginoon, dagdagan mo po ang aming pananalig para lubos na maintindihan  kung paano kami dapat  mag-isip, kumilos, magsalita at gumawa nang ayon sa pamamaraan ni Kristo Jesus na aming kapatid, Amen.