Daughters of Saint Paul

Hunyo 4, 2018 Lunes sa Ikasiyam na Linggo ng Taon

MARCOS 12:1-12

Nagsimulang magsalita si Jesus sa talinghaga. “May nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang panahon na ng anihan, pinapunta niya ang isang katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang bahagi niya sa ani. Ngunit sinunggaban nila ito at pinaalis na walang dala. Nagpadala uli sa kanila ang may-ari ng isa pang katulong pero hinampas ito sa ulo at hinamak. Nagpadala rin siya ng iba ngunit pinatay naman ito. At marami pa siyang ipinadala; hinampas ang ilan sa kanila at pinatay ang iba. “Mayroon pa siyang isa, ang minamahal na anak. At pinadala niya siyang pinakahuli sa pag-aakalang 'igagalang nila ang aking anak.' Ngunit nang makita siya ng mga magsasaka, inisip nila: 'Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang mana.' Kaya hinuli nila siya at pinatay, at itinapon sa labas ng ubasan. “Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Darating siya't lilipulin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba. Hindi ba ninyo nabasa ang Kasulatang ito? Naging panukulang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon, at kahanga-hanga ang aking nakita.”  Huhulihin na sana nila siya pero natakot sila sa mga tao. Naunawaan nga nila na sila mismo ang tinutukoy niya sa talinghagang ito. Iniwan nila siya at lumayo.

PAGNINILAY:

Ibinahagi sa atin ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Hindi mahirap unawain ang talinhaga ng mga magsasaka o mga kasama sa ubasan. Ang ubasan ang mundo. Ang Diyos Ama ang may-ari ng ubasan. Ang mga magsasaka ang sangkatauhan. Ang panahon ng anihan ang paghuhukom. Ang mga katulong na ipinadala ng may-ari ang mga propeta, at ang minamahal na Anak, si Jesus na hinuli, pinatay at itinapon sa labas. “Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan?” Tinatanong tayo ni Jesus kung ano ang pagkilala natin sa Diyos. Hindi ba nakapagtataka na napaka-pasensiyoso ng may-ari ng ubasan? Sa halip na parusahan at ipagtabuyan ang mga magsasaka, sunud-sunod pa rin siyang nagpadala ng iba pang mga katulong. Sa halip na parusahan ang mga magsasaka sa kanilang pagtanggi sa kanya, ipinapakita ni Jesus ang isang Diyos na nagnanasa at naghihintay ng tugon ng sangkatauhan. Tinutukoy sa mga libro ng mga propeta ang isang matiising Diyos na naghihintay at naghahangad ng tugon ng tao na makiisa sa kanya. Sa buhay natin, patuloy na nagpapadala ang Diyos ng mga guro, mga tagapag-paalaala at mga kaibigan upang makilala natin ang katotohanan na tayo’y pinili, minamahal at inililigtas niya. Kailangan lang nating imulat ang ating mga mata, isipan at puso upang makilala ang masuyong pagtawag ng Ama.