Daughters of Saint Paul

Hunyo 8, 2018 Biyernes sa Ikasiyam na linggo ng Taon Dakilang Kapistahan ng Kamahal mahalang Puso ni Hesus (B)

JUAN 19:31-37

Dahil sa paghahanda noon, ayaw ng mga Judio na mamalagi sa krus ang mga katawan sa Araw ng Pahinga sapagkat dakilang araw ang Araw na iyon ng Pahinga. At ipinakausap nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at ng isa pang kasama niyang ipinako sa krus. Ngunit pagsapit nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kantang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran, at biglang may umagod na dugo at tubig. Ang nakakita ang nagpapatunay, at totoo ang kanyang patunay. At Siya ang nakakaalam na totoo ang sinasabi niya para maniwala kayo. Gayon kailangang maganap ang Kasulatan: Walang babaliin sa kanyang mga buto. At sinasabi ng isa pang Kasulatan: Pagmamasdan nila ang kanilang sinibat.

 

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Nagpakita ang Panginoong Jesus kay Margaret Mary Alacoque at hinayaan siyang mahimlay sa banal na dibdib ng Panginoon. Ipinakita ni Jesus kay Margaret Mary ang mithiin niyang mahalin ng lahat ng tao, at ang mailayo ang lahat sa landas ng kapahamakan. Dahil dito, ipinakita niya kay Margaret Mary ang puso niyang punung-puno ng pagmamahal, habag, biyaya, kabanalan at kaligtasan. Hindi ba napakagandang isipin na pwede tayong mahimlay sa dibdib ni Jesus, at mapuno ng lahat ng biyaya ng kanyang pagmamahal? Kapag nagdadasal ka kapanalig, nararamdaman mo ba ang yakap ng Panginoon? Sa kanyang Mahal na Puso, maaari nating buksan ang ating puso, pati na ang lahat ng ating dinadalang sama ng loob, problema, pighati o kalungkutan, pati na ang lahat ng ating mga kasalanan, kahihiyan at kahinaan.  Ito ang dinadalangin natin sa awiting Mahal na Puso ni Jesus: “Kami ay kupkupin, akitin ang puso namin nang grasya mo’y kamtin.” Tunay ngang kailangan nating idalangin sa Panginoon na akitin niya ang puso natin dahil sa napakaraming bagay ang nakakaakit sa ating atensiyon, panahon at pag-ibig. Nawa’y mabigyan natin ng pansin ang Mahal na Pusong naghihintay ng ating pagmamahal, at walang hinihintay na kapalit kundi ang punuin ang ating buhay ng kanyang biyaya at walang maliw na pag-ibig. Patuloy na dumadaloy ang dugo mula sa kanyang puso upang makamtan natin ang kaganapan ng buhay. Tayo na, kapanalig, at dumulog sa Pusong nagliliyab sa pagmamahal na hindi iniinda ang anumang sakit maipadama lamang sa atin ang pag-ibig na galing sa Ama sa langit.