Daughters of Saint Paul

Hunyo 11, 2018 Lunes sa Ika-10 na Linggo ng Taon / San Bernabe, Apostol (Paggunita)

MATEO 10:7-13

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang kaharian ng Langit.’ Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod, sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay.

Pagdating ninyo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at makituloy sa kanya hanggang sa inyong pag-alis.

Pagpasok ninyo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal ninyo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Rose ang pagninilay ngayon.  Ayon sa pagsusuri, hindi natin kailangan ang maraming bagay para sumaya, lumakas ang loob at gumanda ang pakiramdam. Nagiging mas masaya tayo sa trabaho kung alam natin, na pinahahalagahan hindi lang ang ating gawa kundi ang ating pagkatao. Kadalasan, isang simpleng pagbati ng pag-aalala, pagkilala o papuri sa ating trabaho, sapat na, para mas lalo nating galingan ang paggawa nito. Kaya lang, abala tayong lagi sa mga gawain kaya’t hindi na natin napapansin ang kapakanan ng iba. Nakaka-limutan natin na “we are our brother’s keeper” – tagapagbantay tayo ng ating mga kapatid. Isinabuhay ito ni San Bernabe na tinaguriang ‘Anak ng Pampalakas-loob” o son of encouragement o consolation. Unang binanggit si Bernabe bilang may-ari ng lupain na nagbenta nito upang ibigay ang nalikom na salapi sa mga apostol. Nang lumaon, itinalaga siya ng Diyos na kasama ni Pablo bilang mga apostol sa mga Hentil. Sinasabing kasama si Bernabe sa Pitumpung alagad na isinugo ni Cristo upang ipangaral ang ebanghelyo sa bawat lungsod.  Hindi sila dapat magdala ng pera, bagahe, o sandalyas gaya ng nasasaad sa ebanghelyo sa araw na ito.  Si Bernabe ang tumayong “guarrantor” ni Pablo nang hindi siya matanggap ng mga apostol, dahil kilala siyang dating taga-usig ng mga Kristiyano. Nagpatotoo si Bernabe sa pagpili ni Cristo kay Pablo at kung paano siya nagpahayag ng ebanghelyo nang buong tapang at sa lakas ng Espiritu. Hindi lang pinatibay ni Bernabe ang loob ni Pablo at ang ibang mana-nampalataya, kundi nagbigay siya ng kaaliwan, nangaral at nagpaginhawa ng kanilang buhay Kristi-yano. Pinasigla niya ang simbahan ng Diyos, binigyan ng pag-asa, pinatibay ang pananampalataya at nagturo ng tamang daan o direksiyon tungo sa Panginoon. Isinabuhay ni Bernabe ang kababaang-loob, pagbibigay, kabutihan, pagpapatawad upang magpalakas-ng-loob at magbigay ng kaginhawaan. Kapanalig, handa ka bang maging isang ‘Bernabe’ sa araw na ito?