MATEO 5:17-19
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag n'yong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang bisa kundi upang magbigay-kaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad.
“Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay ngayon. Isa sa paborito kong santo si San Antonio de Padua hindi lang dahil lagi niya akong tinutulungan kapag may nawawala akong gamit. Sa katotohanan po, hindi taga-Padua, Italya si San Antonio. Ipinanganak siya sa Lisbon, Portugal. Una siyang pumasok sa mga Agustiniano at doon niya nakilala ang mga Franciscanong papunta sa misyon sa Morocco na naging martir doon. Humanga siya sa kanilang kabayanihan at ginusto niyang sundan ang kanilang mga yapak bilang Franciscano. Tinanggap siya at nagpunta siya sa Morocco bilang kapalit ng mga martir ngunit nagkasakit siya roon. Ipinadala siya sa Italya at naglingkod sa isang hospisyo bilang isang brother. Isang araw, may mahalagang pagdiriwang pero hindi nakarating ang paring magbibigay ng pangaral at homiliya. Pinakiusapan nila si Brother Antonio na magsalita sa sandaling iyon. Laking gulat ng lahat sa di-inaasahang karingalan ng pananalita, pananalig at lalim ng karunungan ng kanyang sermon. Mabilis na kumalat ang balita at pinahintulutan siyang mangaral at magturo ng teolohiya sa mga Franciscano. Ipinadala siya sa buong Italya upang mangaral at dinumog siya ng mga tao na nakinig sa kanyang mga pangaral. Sinasabing huminto ang mga kalalakihan sa pagsusugal at paglalasing kapag narinig nila ang malambing niyang tinig. Nagbago ang mga kriminal at nagkabati ang mga nagkakagulong mga kaaway. Kay San Antonio de Padua natupad ang pangako ni Jesus sa ebanghelyo ngayon: “Kung may magsasagawa at magtuturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa kaharian ng langit.” Naglingkod si San Antonio bilang isang simpleng brother na hindi tumawag ng atensiyon sa sarili. Ngunit nang kinailangang ipangaral si Kristo, buong-puso at lakas ng loob siyang nagpahayag ng Mabuting Balita. Hingin natin kay San Antonio de Padua ang biyayang matupad ang plano ng Diyos sa ating buhay.