MATEO 5:20-26
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kahariaan ng Langit. “Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: 'Huwag kang papatay; dapat managot ang pumatay.' Sinasabi ko naman sa inyo: Mananagot ang sinumang nagagalit sa kanyang kapatid. Mananagot sa Sanggunian ang sinumang uminsulto sa kanyang kapatid. Nararapat lamang na itapon sa apoy ng impiyerno ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialayang iyong hain sa Diyos. “Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga't hindi mo nababayaranang kahuli-hulihang sentimo.”
PAGNINILAY:
Panawagang makipagkasundo sa kaaway ang malinaw na mensahe ng Ebanghelyo ngayon. Tanging sa pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin, magiging ganap ang ating kabanalan. Para sa Panginoong Jesus, ang matinding galit sa kapwa’y katumbas na rin ng pagpatay. Hindi sapat na ang tao’y basta lamang umiwas sa paggawa ng masama. Para sa Panginoon, maging ang pag-iisip ng masama sa kapwa’y hindi maganda, dahil ito’y maituturing na isang kasalanan din. Malinaw at hayagan ang sinabi ng Panginoong Jesus na mali ang lahat ng uri ng pagpatay ng tao. Ang isang tao’y walang karapatang kumitil ng buhay ng kanyang kapwa, kahit ito’y isang kriminal. At ang utos na nagbabawal sa pagpatay, hindi lamang sumasaklaw sa aktong pagpatay. Para sa Panginoon, ang utos na huwag pumatay, hindi lamang tumutukoy sa agresyong pisikal, kundi kabilang dito ang pagbabawal sa paggamit ng masasakit na salita, pagkakaroon ng matinding galit at pagkikimkim ng poot. Mga kapanalig, suriin natin ang ating kilos at saloobin kapag tayo’y nagagalit. Naghahangad ba tayo ng masama sa ating kagalit? Nagmumura ba tayo at nananakit sa taong ating kagalit? Hindi naman masama ang magalit! Napapasama lamang ito kapag hindi natin napanghawakan ang ating galit. At marami tayong taong nasaktan dahil sa ating galit.