Daughters of Saint Paul

Hunyo 19, 2018 Martes sa Ika-11 na linggo ng Taon / San Romuldo Abad

MATEO 5:43-48

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.”

PAGNINILAY:

Lahat ng bagay na mahusay at mahalaga, pinagbubuhusan ng talino, pagod at oras. Ganito sa lahat ng obra maestra sa mundo – mga dakilang pintura, mga nililok sa marmol at kahoy, at maging mamahaling bato at metal na ginagawang alahas at dekorasyon. Kailangan ng tiyaga at patuloy na pagsisikap para magawang lubos na mabuti ang isang bagay.  Ganito rin ang gusto  ng Diyos sa taong nilikha na kawangis at kalarawan niya. Hangad  niya ang ating pagiging lubos at ganap na mabuti. May dalisay na pusong laang maglingkod, magpatawad at magmahal sa lahat – kaibigan man o kaaway.  Hindi madali ang magmahal at magpatawad sa taong nakasakit sa atin. Madalas, kahit alam na ng isip na HINDI dapat magalit – para huwag magka-high blood, atake sa puso, diabetes, kanser at iba pang mga malubhang sakit hindi pa rin agad makasunod ang puso.  Nananaig pa rin ang sari-saring negatibong damdamin.  Bakit niya ako sinaktan? Bakit niya ako tinalikuran at pinagsabihan ng masama gayong nagsisikap naman akong maging mabait sa kanya? Nakakadena ang ating isip sa taong nagkasala sa atin. Sa ganitong pagkakataon, ang paulit-ulit na pagdarasal at pagdulog sa Diyos ang tanging solusyon.  Alalahanin, hindi ba’t ganito rin tayo sa Diyos? Paulit-ulit tayong nagkakasala, pero, paulit-ulit din niya tayong pinatatawad at pinagbubuhusan ng mga biyaya? Tunay, sa pagpapatawad at kababaang-loob lamang makakamit ang tunay na paglaya.  O, Jesus, sa araw na ito, loobin mong lubos na magkaisa ang aking puso at isip para makasunod sa iyo sa landas ng paglaya at dalisay na pagmamahal sa kapwa, Amen.