MATEO 6:1-6, 16-18
Pag-ingatang huwag maging pakitang-tao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin ninyo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at iyong Amang nakakakita sa nga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. Kung mananalangin kayo, huwag n'yong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo. Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantipalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno na pakitantao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.
PAGNINILAY:
May isang kasabihang angkop sa ating pagbasa ngayong araw: kapag ang ilog ay maingay, asahang itoý mababaw; kapag ang ilog ay tahimik tiyak na ito’y malalim. Sa buhay natin ngayon na ang bawat kibot, bawat galaw, bawat kumpas ay maaaring kunan ng kamera at makaabot sa lahat ng panig ng daigdig sa loob lamang ng ilang segundo, waring imposible na ang mamuhay ng lingid. Pero, may malinaw na payo si Jesus: “Kung ikaw ay mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim.” May dalawang kailanganin para tayo lubos na makalapit sa Kanya: Una, magtakda tayo ng regular na oras para sa tahimik na pakikipag-usap sa kanya; at ikalawa, maglaan tayo ng tiyak na lugar para sa kanya – hindi man isang silid, ay sa ating puso at isip para ang lahat sa atin ay lubos na maipatungkol sa kanya. Santa Maria aking Ina, gabayan mo ako upang makapamuhay nang tahimik patungo sa kaluwalhatian ng langit, Amen.