MATEO 6:7-15
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan n'yo bago pa man kayo humingi. “Kaya ganito kayo manalangin: Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama. “Kung patatawarin n'yo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi n'yo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.”
PAGNINILAY:
Kabilang sa mga positibong katangian ng dasal na makapag-uugnay sa atin sa Diyos ang mga sumusunod: simple, maikli, matapat, may kababaang-loob at nagbubuklod sa atin sa lahat ng iba pang mga nilikha. Gaya ng sinabi ni Jesus, “Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ‘nyo bago pa man kayo humingi.” Ang mahalagaý maipahayag sa ating dasal ang pagmamahal at lubos na pagtitiwala sa Kanya sa kabila ng ating mga limitasyon, mga kahinaan at makamundong mga pagnanasa. Sinasabi na maaaring mahati sa dalawang bahagi ang dasal na Ama Namin. Ang unang bahagi, ang pagsamba at paggalang sa Diyos, ang pagtanggap sa Kanyang paghahari sa langit at lupa, at ang matapat na pagsunod sa Kanyang kalooban para sa ating buhay. Ang ikalawang bahagi, pumapaksa sa paghingi ng tulong para sa ating mga pangangailangang materyal at ispiritwal, paghingi ng tawad sa ating mga sala at pagpapatawad sa mga kasalanan ng iba, biyaya para makaiwas sa tukso ng demonyo, at kalayaan sa lahat ng mga masama na naglalayo sa atin sa Diyos. Matutupad ang lahat ng ito kung patuloy tayong lalapit sa Kanya sa Banal na Eukaristiya- sa salita ng Diyos at sa pagtanggap sa Kanyang katawan at dugo sa komunyon. O Jesus, akayin mo kami sa pagtahak sa tamang daan para makaabot sa Diyos ang aming mga dasal, Amen.