MATEO 6:19-23
Sinabi ni Jesus sa kanyang mg alagad: Huwag dito sa lupa kayo mag-ipon ng inyong mga iniipon sapagkat dito’y masisira ang mga iyon ng mga kulisap at kalawang, at mananakaw ng magnanakaw. Sa piling ng Diyos kayo mag-ipon ng inyong iniipon; wala nga roong kulisap o kalawang na sisira, at walang magnanakaw. Malaman mo nawa na kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.
Ang iyong mata ang lampara ng iyong katawan; kung malinaw ang iyong mata, nasa liwanag ang buo mong katawan. Kung malabo naman ang iyong mata, nasa kadiliman ang buo mong katawan. At kung dumilim ang liwanag na nasa iyo, gaano pa kaya ang madilim!
PAGNINILAY:
Karaniwang pangarap sa isang tahanang Pilipino na ang mga anak na itinuturing na “tanging yaman” ay makapagtapos sa kolehiyo, makahanap ng mabuting trabaho na may mataas na suweldo para makapag-impok sa bangko, at harinawa, bago mag-asawa at magkaanak ay may naipundar ng lupa’t bahay at kahit isang sasakyang segunda mano. Ito ang isa sa mga konkretong kahulugan ng tagumpay at yaman na buong ligayang pinagsasaluhan ng buong pamilya kasama ang mga malapit na kaibigan at maging mga kapitbahay. Para sa mga Katoliko, nakalangkap sa siklo ng buhay at ng mga pagdiriwang na pampamilya ang pitong sakramento ng simbahan: Una, binyag; Ikalawa, kumpil; Ikatlo, pagtanggap ng Eukaristiya o komunyon; Ikaapat, kumpisal; Ikalima, pagpapahid ng banal na langis sa maysakit; Ikaanim, pag-aasawa at Ikapito, ang sakramento ng pagpapari. Lahat ng ito ay mga biyayang kaloob ng Diyos na tinatanggap araw-araw ng mga taong lubos na naniniwala at sumusunod sa Kanya. Sa ating pagbasa ngayong araw, ipinahayag ni Jesus na “Kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.” Sana kahit abala tayo sa pagtitipon ng mga materyal na bagay para sa ikagiginhawa ng ating mga pamilya, huwag nating makaligtaan ang mga pagpapahalaga para sa Diyos – gaya ng kabaitan, kababaang-loob, habag, at pagtulong sa mga mahihirap, katapatan sa tungkulin, at sa lahat ng marami pang mumunting bagay na magagawa sa bawat araw bilang tanda ng ating lubos na pakikiisa sa mithiin ng Diyos dito sa lupa para ng sa langit, Amen.