Daughters of Saint Paul

Hunyo 23, 2018 Sabado sa Ika-11 na Linggo ng Taon / San Jose Cafaso

MATEO 6:24-34

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Walang makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa una at mapapabayaan naman ang pangalawa. Hindi kayo makakapaglingkod sa Diyos at sa pera. Kaya sinasabi ko sa inyo:huwag mag-alala sa kakanin at iinumin para sa inyong buhay, o sa idadamit para sa inyong katawan. Di ba't mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit? Tingnan n'yo ang mga ibon sa Langit: hindi sila naghahasik ni nag-aani, ni nag-iipon sa mga bodega, gayunma'y pinakakain sila ng inyong Amang nasa Lngit. Di ba't mas mahalaga kayo kaysa mga ibon? “Sino sa inyo ang makapagdagdag sa kanyang taas sa pagkabahala niya? At ba't kayo mababahala tungkol sa pananamit? Tingnan n'yo ang mga bulaklak sa bukid, sa pagtubo ng mga ito. Hindi sila nagtatrabaho o humahabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit na si Solomon sa kanyang kayamanan ay di nakapagbihis gaya ng isa sa kanila. Kung ganito ang damit na ibinibigay ng Diyos sa mga damo- mga damong nasa bukid ngayon at susunugin bukas sa kalanhigit pa ang gagawin niya para sa inyo, mga taong kukunti ang paniniwala!      “Huwag na kayong mag-alala at magsabi: Ano ang ating kakainin? Ano ang ating iinumin?O, ano ang ating isusuot? Ang mga pagano ang nababahala sa mga bagay na ito, ngunit alam ng inyong Amang nasa Langit na kailangan n'yo ang mga ito. Kaya hanapin n'yo muna ang Kaharian at katarungan ng Diyos, at ibibigay rin sa inyo ang lahat ng ito. At huwag alalahanin ang bukas sapagkat bahala ang bukas na mag-alala sa kanyang sarili. Sapat na sa bawat araw ang sariling hirap nito.”

PAGNINILAY:

Sinasabing tunay na kahanga-hanga ang tatag ng loob at tiwala sa Diyos nating mga Pilipino dahil kahit sa gitna ng mga kalamidad – mga bagyo, baha, lindol, sunog o pagsabog ng bulkan – nakakaya pa rin nating ngumiti sa kabila ng mga luha.  Bakit? Dahil bahagi na ng ating bokabularyo ang mga katagang “walang iwanan,” “bayanihan,” “damayan,” “sama-sama sa hirap at ginhawa,” “kapit-bisig,”at higit sa lahat, “bahala sa atin ang Diyos!” at “hindi tayo pababayaan ng Diyos!”  O mahal na Espiritu Santo, loobin mo po na sa tuwinaý mga bagay na makalangit ang lagi naming maisaisip para huwag magkapuwang ang mga problema at pagkatakot na ang dulot lamang ay ligalig. Amen.