Daughters of Saint Paul

Hunyo 25, 2018 Lunes sa Ika-12 na Linggo ng Taon / Santa Lucia

MATEO 7:1-5

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Huwag humatol at hindi kayo hahatulan. Kung paano kayo humatol sa inyong kapwa, gayon din kayo hahatulan, at susukatin kayo sa sukatang ginamit ninyo. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Halika, at aalisin ko ang puwing sa iyong mata,’ kung may troso naman sa iyong mata? Mapagkunwari! alisin mo muna ang troso sa iyong mata, at saka mo makikita kung paano aalisin ang puwing sa mata ng iyong kapatid.”

PAGNINILAY:

May isang manunulat na nagpahayag, “Sa pamamagitan lamang ng puso makakakita ng wasto; lingid sa paningin ang mga bagay na pangunahin.” Nangangahulugan ito na sa pamamagitan lamang ng tunay na pagmamahal maaari tayong makahatol ng tama sa ating kapwa. Walang sinuman ang makapagsasabi na alam niya ang lahat tungkol sa isang tao. Kahit ang isang ina na nagsilang mismo sa kanyang anak, hindi ito pwedeng ipagmalaki. Ang Diyos lang ang nakababatid ng lahat tungkol sa bawat isa. Gaya nga ng sinabi sa isang salmo, “Nalalaman mo ang lahat ng aking mga landas. Bago pa man mabuo sa dila ko ang salita, Panginoon, alam mo na ito.  Nakita  na ng iyong mga mata ang aking mga gagawin, nasusulat na ang lahat ng mga iyon sa aklat mo. Naiguhit na sila, kahit di pa nagaganap ang isa sa kanila.”  Wala tayong karapatang humatol sa ating kapwa dahil imposibleng lubos nating malaman kung bakit niya ginawa ang isang bagay. Gayundin, ang anumang masamang sinasabi natin sa iba, nakukulayan ng ating sariling mga paniniwala at pagpapahalaga. Kung minsan pa nga, sadya nating hinahanapan ng mali ang iba para mapagtakpan ang ating mga sariling pagkukulang, kamalian, kapintasan o mga kasalanan.  O higit pa, para maitaas ang sarili kaysa iba.  Paano natin kung gayon, maiiwasan ang maling paghatol sa kapwa at magkaroon ng paningin na gaya ng sa Diyos? Una sa lahat, kailangan ng kababaang-loob sa pagtanggap na tayo rin mismo, maraming mga pagkakasala – sinadya man o hindi – kaya’t hindi tayo naiiba sa ating kapwa na hinuhusgahan natin. Mas mainam na ang pagsikapan ay makita o mahanap ang kabutihan ng iba. Ito ang pinakamabisang paraan para magkaroon ng kaibigan at mapanatili ang kapayapaan, mabuting pagsasamahan at pagbibigayan sa bawat isa.  At mas mabuti pa, kung walang sasabihing mabuti sa iba, itikom na lang ang bibig at nang malayo sa disgrasya.