MATEO 7:21-29
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng aking Amang nasa Langit. Sa araw na iyon, marami ang magsasabing: ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsalita sa ngalan mo? Hindi ba nagpalayas kami ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa ngalan mo?’ Ngunit sasabihin ko sa kanila nang walang paliguy-ligoy: ‘Hinding-hindi ko kayo kilala; lumayo sa akin kayong mga gumagawa ng masama.’Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan! Nang matapos si Jesus sa mga pananalitang ito, nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng kanilang mga guro ng Batas.
PAGNINILAY:
Kapag ang mga salitaý parang hangin lamang na lumalabas sa bibig at hindi mula sa puso – o di kayaý walang kasamang gawa, ang tawag ditoý nambobola lang. Marami pang ibang salitang Filipino na kagaya nito: nang-iistir, nagpapasakay, nagdodrowing, nanggogoyo, namimilog ng ulo. Pahiwatig na itoý karaniwan at madalas ginagawa ng tao. Gayang sinabi ni Jesus, “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng Panginoon! Panginoon! ay papasok sa Kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa ng kalooban ng Diyos.” Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ang pangunahing batayan sa pagpasok sa kanyang kaharian at pakikibahagi sa buhay na walang-hanggan. Nangangahulugan ito ng mga mabubuting gawa sa sarili at sa kapwa. Nang tapat at dalisay na pagmamahal sa lahat ng mga nilikha sa awa at tulong ng Diyos. Hindi sapat ang pagsisimba at pagsasagawa ng mga debosyon para matawag na mabuting kristiyano. Kailangan ng patuloy at matiyagang pagpapabuti ng sarili para maibahagi ang mga natatanggap na biyaya sa iba.