MATEO 8:5-17
Pagdating ni Jesus sa Capernaum lumapit sa kanya ang isang kapitan at nakiusap sa kanya: “Ginoo, nakahiga sa bahay ang aking katulong. Lumpo siya at sobra na ang paghihirap…” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Paroroon ako at pagagalingin ko siya.” Sumagot ang kapitan: “Hindi ako karapat-dapat para tumuloy ka sa bahay ko. Mag-utos ka lang at gagaling na ang aking katulong. May nag-uutos sa akin at may inuutusan din ako, at pag sinabi ko sa isa sa mga kawal na nasa ilalim ko: ‘Pumaroon ka,’ pumaparoon siya. At sinasabi ko naman sa isa pa: ‘Pumarito ka,’ at pumaparito siya; at sa aking katulong: ‘Gawin mo ito,’ at ginagawa niya ito.” Nang marinig ito ni Jesus, humanga siya at sinabi sa mga sumusunod sa kanya: “Sinasabi ko sa inyo, wala pa akong natagpuang ganitong paniniwala sa Israel. Sinasabi ko sa inyo: marami ang darating mula sa silangan at sa kanluran para makisalo kina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng Langit. At itatapon naman sa kadiliman ang mga tagapagmana ng Kaharian; at doon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin.” At sinabi ni Jesus sa kapitan: “Umuwi ka at mangyayari ang pinaniniwalaan mo.” At gumaling ang katulong sa oras ding iyon. Pagpasok naman ni Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenan ni Pedro na may lagnat at nakahiga. Hinawakan niya ito sa kamay at nawala ang lagnat nito. Kaya bumangon ito at nagsimulang maglingkod sa kanya. Pagkalubog ng araw, dinala nila kay Jesus ang mga taong inaalihan ng masasamang espiritu, at sa isang salita lamang ay napalayas niya ang mga ito. Pinagaling din niya ang mga maysakit. Sa ganitong paraan natupad ang sinabi ni Propeta Isaias: Kinuha niya ang ating mga sakit at pinasan ang ating mga karamdaman.
PAGNINILAY:
Noon lang nagkita si Jesus at ang Kapitan, at lubos siyang humanga sa malasakit nito sa maysakit na katulong, at sa buong pagtitiwala sa Kanya. Ang pagtitiwala ang isa sa pinakamahalagang sangkap para patuloy na maging matatag ang anumang ugnayan. Totoo ito sa relasyon ng babae at lalaki, ina at anak, doktor at pasyente, at lahat ng iba pang di-mabilang na mga relasyon. Narito ang tiwala ng tao na hindi siya sasaktan at ang pinakamabuti lamang ang gagawin ng kanyang pinagkakatiwalaan. Ganito rin sa mga mahalagang sekreto o lihim na ipinagkakatiwala sa atin. Kailangang matuto tayong gumalang at mag-ingat sa mga ito. Importante rin na magkaroon tayong lakas ng loob at tapang para harapin lagi ang katotohanan at iwasan ang pagsisinungaling. Kapag nasira ang tiwala, tulad ito sa salamin na hindi na maibabalik sa dati anuman ang gawin. May mga sugat na mahirap paghilumin gaano man katagal ang panahong saklawin. O, Jesus, ikaw lamang ang tunay na makapaghihilom sa mga sugat ng aking puso. Loobin mong matuto akong umunawa at magpatawad sa mga sakit na idinudulot ng aking kapwa. Ako maý nagkakasala rin sa iba at madalas, itoý hindi naman talaga lubusang sinasadya. Amen.